Ibinasura ng Davao Regional Trial Court (RTC) Branch 54 ngayong Martes ang kahilingan ng Department of Justice (DoJ) na pigilan ang nakatakdang pagbiyahe ni Senator Antonio Trillanes IV.
Ayon kay Judge Melinda Alconcel-Dayanghirang, hindi maituturing na “flight risk” si Trillanes kaya walang dahilan para pigilan ang biyahe nito sa pamamagitan ng hold departure order (HDO).
Aniya, boluntaryo rin na sumuko ang senador at hinarap ang mga kasong libel na isinampa rito nina dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, at Atty. Manases Carpio.
Nakasaad pa sa kautusan na matagal nang naplano ni Trillanes ang nasabing biyahe bago pa man ito kinasuhan ng libel.
Nagtungo ngayong Martes si Trillanes sa nasabing korte sa Davao City—kung saan siya persona non grata—upang harapin ang kasong libel, at naglagak na ng P24,000 piyansa sa bawat isa sa apat na libel, o may kabuuang P96,000.
“Wine-welcome ko ang decision ng judge na 'wag mag-issue ng HDO. Unang-una libel case lang naman ito at ipinakita ko na ‘di ako flight risk,” saad sa text message ni Trillanes sa media. “That’s very encouraging na moving forward, kung mag-proceed man ang kasong ito, may indications ng objectivity and fairness.”
Leonel M. Abasola at Vanne Elaine P. Terrazola