ANG ikatlong Linggo ng Enero taun-taon, batay sa liturgical calendar Simbahan sa iniibig nating Pilipinas ay itinakdang pagdiriwang ng kapistah ng Sto. Niño -- ang kinikilala at itinuturing na patron saint ng mga bata. Sa pagdiriwang ay binibigyan ng matapat na pagpapahalaga ang mga bata maging anuman ang kalagayan sa buhay.
Naging bahagi na ng pagdiriwang na bago sumapit ang eksaktong petsa o araw ng kapistahan ang pagkakaroon ng siyam na araw na nobena sa mga simbahan kung saan nakadambana ang imahen ng Sto. Niño. Sa ibang mga parokya at simbahan tulad sa Saint Clement parish sa Angono, Rizal, nakaugalian nang magdaos ng nobena para sa Sto. Nino bago simulan ang misa ng 6:00 ng umaga.
Bukod sa nobena para sa Sto. Niño, bahagi rin ng pakikiisa sa pagdiriwang ng kapistahan ang pagkakaroon ng Santo Niño Exhibit o ang pagtatanghal ng mga imahen ng Sto. Niño. Ngayong 2019, ang Santo Niño Exhibit ay sinimulan at binuksan nitong Enero 12 at pinangunahan ni Father Gerry Ibarola, kura paroko ng Saint Clement parish. Dumalo rin sa pagbubukas ng exhbit ang mga deboto ng Sto. Niño, mga may-ari ng imahen at mga parishioner. Isang natatanging panalangin ang dinasal ni Father Gerry Ibarola para sa Sto. Niño. Kasunod nito ang kanyang pagbabasbas sa mga imahen. Sa exhibit, makikita ang mga imahen ng Sto. Niño na may iba’t ibang kasuotan. Sa mismong kapistahan sa darating na ika-20 ng Enero, tampok ang isang misa na susundan ng prusisyon.
Ang debosyon at panata sa Sto. Niño ay nagsimula sa Espanya at sinasabing si Sta. Teresa ng Avila ang nagpakilala ng imahen ng batang si Jesus na nakadamit tulad ng isang hari. Mula sa Cebu, mahigit na apat na siglo na ang nakalipas, ang debosyon sa Sto. Niño ay lumaganap na sa buong bansa.A t mula naman sa Europa, ang pamamanata ay ginawa na rin sa Asya at iba pang bansa.
Ang pista ni Sto. Niño ang isa sa pinakakilala at pinag-uukulan ng debosyon. Nagsimula ito sa Sto. Niño de Cebu nang ibigay ni Ferdinand Magellan bilang regalo kay Reyna Johanna ang imahen nang siya’y binyagan. Si Reyna Johanna ay ang asawa ni Raha Humabon ng Cebu.
Nang mapatay si Magellan ni Lapu-Lapu sa Mactan at tumakas ang kanyang mga tauhan pabalik sa Espanya, ay naiwan ang imahen ng Sto. Niño. Makalipas ang may apat na dekada, ang imahen na ito ay natagpuan sa Cebu ni Juan Camus, isa sa mga tauhan ni Miguel Lopez de Legazpi na kasama sa ekspedisyon. Sa pagkakatagpo sa imahen, ang mga Kastila ay nahikayat na tawagin ang Cebu na “Villa del Santisimo Nombre de Jesus”.
Ang Sto. Niño ang nagpapagunita sa atin na may mga bagay na kahanga-hanga sa mga bata. Sila ang masasabi natin na pinakamalinis na nilikha ng Poong Maykapal. Ang kanilang mga kawalang-malay, kislap ng mga mata, mga matamis na ngiti na walang pagkukunwari, pagtitiwala at kasiglahan ang pinakamabisang panlaban sa mga pagiging plastik, pagmamalaki, kapalaluan, malisya at kasakiman na nagpapadilim at gumigiba sa daigdig ng mga matatanda o senior citizen at mga tumatanda na walang pinagkakatandaan.
Higit sa lahat, ang imahen ng Sto. Niño ay isang magandang tagapagpagunita upang ang mga bata ay hindi maging biktima ng child abuse, child prostitution at maging palaboy sa mga lansangan, dahil sa kapabayaan at kawalan ng pagmamahal ng kanilang mga magulang at ng tangkilik ng mga nasa pamahalaan, na ang iba’y walang iniisip kundi ang panunulisan at pandarambong ng pondo ng bayan.
Sa bahagi naman ng mga tradisyong Pilipino na kaugnay ng pista ng Sto. Niño, binibigyang-buhay ang Sinulog Festival sa Cebu City. Sa Kalibo, Aklan ay ang Ati-Atihan at Dinagyang Festival naman sa Iloilo City. Sa Kabankalan City, Negros Occidental ay tampok din ang Sinulog Festival tampok ang mga sayaw na kakikitaan ng kultura, kasaysayan at pag-unlad ng lungsod.
-Clemen Bautista