NAPIPIHO ko na sa naging positibong resulta ng “Integrated Ballistics Identification System”sa isa sa mga baril na isinuko ng dalawang suspek sa Batocabe – Diaz double murder case, ay swak na swak na agad sa kaso si Mayor Carlwyn Baldo ng Daraga, Albay na pilit pa rin na itinatatwa ang paratang sa kanya.

At habang panay ang salag ni Mayor Baldo sa bintang na pulitika ang motibo sa kasong idinidiin sa kanya, lumutang ang isa pang anggulo at mainit na dahilan -- may kinalaman sa pagkontrol sa sugal na jueteng sa Daraga, Albay si Baldo -- kaya’t ginusto umano niyang na sa landas ang makakalaban niya sa pagka-mayor sa darating na eleksyon sa Mayo 2019, na si Ako Bicol party-list representative Rodel Batocabe.

Ngunit sa anggulong ito hindi na raw nag-iisa si Baldo, bagkus ay may isa pang “elected official” ng pamahalaan, na mas mataas pa sa kanyang posisyon bilang mayor, ang kumumbinsi raw kay Baldo na malaking balakid sa kanilang mga pinagkakakitaan si Batocabe, dahil sa pagiging pakialamero nito sa lahat halos ng bagay, lalo na sa pulitika at sa operasyon ng Small Time Lottery (STL). Bantayan natin ang isa pang anggulong ito sa kaso kung kakantiin din ng mga imbestigador.

Malaki naman ngayon ang paniniwala ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP), sa pangunguna ni CPNP Dir Gen Oscar Albayalde, na siguradong “kahon” si Mayor Baldo sa kasong isinampa nila laban dito, lalo pa nga’t may hawak na silang positibong resulta ng ballistics examination ng baril ni Henry Yuson, isa sa dalawang gunman na sumuko sa PNP.

Batay sa report ng PNP Crime Laboratory, ang 11 basyo (shells) ng bala at limang tingga (slugs) na nakuha sa crime scene ng mga imbestigador ay nag-matched sa lisensyadong 40 caliber pistol ni Yuson, na inamin niyang ginamit sa Batocabe-Diaz double murder case.

“Even without the presence of the real firearm, our evidence is strong because it cross-matched…We are now confident that what he (Yuson) was saying is true,” buong tiwalang sinabi ni Albayalde.

Bukod pa sa baril ni Yuson, natagpuan ng mga imbestigador ang ilang bahagi ng kalibre 45 na pinaghiwa-hiwalay ang mga piyesa bago itinapon sa isang septic sa tank sa loob ng bakuran ng tirahan ni Emannuel Rosello, isa rin sa anim na suspek sa pagpatay.

Si Rosello ang rider ng motorsiklong sinakyan ni Rolando Arimado, ang gunman na may hawak ng 45 caliber automatic pistol na ginamit sa Batocabe-Diaz double murder case. Naniniwala ang mga imbestigador na ang na-recover nila sa lugar nina Rosello ay ang murder weapon ni Arimado.

Magkasabay sina Yuson at Arimado, ang dalawang gunman na itinuro ng apat na suspek na naunang nasakote ng PNP, na sumuko at silang “kumanta” kay Mayor Baldo na siya umanong “mastermind” sa ginawa nilang pagpatay.

Kapag nag-positive sa ballistic examination ang mga piyesang ito ng kalibre 45 baril, lalong titibay ang kaso laban kay Mayor Baldo dahil nagkakatugma-tugma ang magkakahiwalay na mga sinumpaang salaysay ng anim na suspek na hawak ng mga imbestigador. At ang dalawang baril – ang 40 caliber pistol at 45 automatic pistol -- ay magiging bahagi ng mga “physical evidence” na magpapalakas sa kaso laban kay Mayor Baldo.

Ang sa akin lang, sana ay walang makuha kahit katiting na reward ang kahit sino sa anim na suspek sa Batocabe – Diaz double murder case. Pakiramdam ko kasi, kapag nangyari ito ay mas nabibiyayaan ang mga kriminal dahil sa nagpahuli lang, inginuso ang mga kasamahan at ikinanta ang kanilang “mastermind” sa krimen na magkakasama naman nilang ginawa.

Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.