MELBOURNE, Australia (AP) — Sa labis na init, mistulang minadali ni Maria Sharapova ang laro para makabalik sa dressing room.
Nangailangan lamang ang Russian star ng 63 minuto para pataubin si British qualifier Harriet Dart, 6-0, 6-0, sa first match sa Rod Laver Arena ng 2019 Australian Open.
Naglaro si Sharapova, naglalagay ng ice collar sa batok sa bawat break para maibsan ang init dulot nang pagtaas ng temperature sa 30 degree Celsius (86 Fahrenheit), sa kanyang ika-15 season-opening sa major.
Ang tanging break point na hinaharap si Sharapova ay nang magtamo ng double-fault sa ikalimang laro ng ikalawang set.
Natamo ni Dart, inamin na idolo niya si Sharapova, ang ikalawang kabiguan sa first round match sa Open. Sa nakalipas na season, naglaro siya bilang wild card sa Wimbledon.
Nabigo rin ang isa pang British player -- Heather Watson – kontra 31st seed Petra Martic, 6-1, 6-2.