LUMABAS sa pinakabagong resulta ng Pulse Asia survey ang dating mga pamilyar na pangalan na nangunguna sa listahan—ang mga reelectionist Senators na sina Grace Poe (75.6%), Cynthia Villar (66.6%) at Sonny Angara (58.5%); kasunod ng dating Senador na si Pia Cayetano (55.4%) at Mark Lapid (49.8%); na sinundan naman nina reelectionist Nancy Binay (46.7%) at Aqulino Pimentel III (45.5%); at dating senador Serge Osmena (38.8%).
Pasok din sa top 16 sina dating senador Ramon “Bong” Revilla Jr. (37.6%), Ilocos Norte Gov. Imee Marcos (36.7%), dating senador Jose “Jinggoy” Estrada (36.3%), dating PNP chief Ronald de la Rosa (35.7%), dating Interior Secretary Manuel Roxas II (35.0%), reelectionists JV Ejercito Estrada (33.6%) at Paolo “Bam” Aquino (32.6%) at dating Presidential aide Lawrence “Bong” Go (29.7%).
Ihahalal sa midterm election sa Mayo 13, 2019, ang 12 senador, ang kalahati ng mga miyembro ng Senado. Inaasahan nang manggagaling sa top 16 ng nabanggit na survey ang mga mananalo, ngunit sa mga kaso ng eleksiyon maaaring matanggal ang ilan sa mga ito at maaaring makaapekto sa standing ang mga kaganapan sa susunod na tatlong buwan, kaya naman nananatiling may pag-asa pa ang mga nasa ilalim ng top 16 sa survey.
Malinaw na hindi pa nakatutulong nang malaki ang mga pulitikal na partido sa ating eleksiyon. Nagwagi si Senadora Poe bilang independiyente noong 2013 at nasa tiket ng administrasyon at oposisyon noong 2016. Si Villar ay bahagi ng Nacionalista party at si Angara ay nasa Laban ng Demokratikong Pilipino, kapwa minoryang partido. Ang kasalukuyang mayoryang partido, na PDP-Laban, ay may isa lamang kandidato na pumasok sa top 8 ng pinakabagong SWS survey—si Pimentel; at ang dalawa sa top 16—sina Dela Rosa at Go. Habang ang mayoryang partido Liberal ng dating administrasyon ay mayroon lamang Roxas.
Ang mga indibidual na katangian at record ng mga kandidato ang nagbibigay ng malaking tulong sa mga halalang ito. Nagsimula si Senadora Poe bilang anak na babae ng sikat na aktor sa mga pelikula na si Fernando Poe, Jr. at pinatibay ng kanyang pagsusulong ng mga suliraning malapit sa puso ng masa, katulad ng kalusugan at kapaligiran, edukasyon para sa mga katutubo, at ang mahirap na pagbiyahe sa Metro Manila.
Bukod sa top 16 na nasa survey, may iba pang 54 na nagdeklara ng pagkandidato sa Senado at dalawa sa mga ito ang kilala—sina Francis Tolentino at Juan Ponce Enrile. Suportado si Tolentino ni Pangulong Duterte habang si Enrile ay may mahaba at mayamang record bilang bahagi ng kasaysayang pulitikal ng bansa.
Patuloy nating tututukan ang nalalapit na 12-linggo kampanya para sa Senado at ang mga party-list, na magsisimula sa Pebrero 12. Ang anim na linggong kampanya para sa mga lokal na posisyon ay magsisimula naman sa Marso 30, at inaasahang lilikha ng matinding interes sa mga lokal na komunidad, ngunit ang pambansang kampanya para sa mga senador ay magkakaroon ng malaking pambansang halaga, lalo’t pipiliin dito ang mga lider, na ang magiging desisyon ay direktang makaaapekto sa pambansang interes.