TALAGANG bilib ako sa Simbahang Katoliko sapagkat kahit walang puknat ang banat at pang-iinsulto ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga pari at obispo at pagkontra sa mga aral nito, isinama pa rin siya sa panalangin ng mga deboto sa pagdiriwang ng Traslacion ng Itim na Nazareno na mas kilala bilang Feast of the Black Nazareno o Pista ng Itim na Nazareno.

Si Monsignor Hernando Coronel, rector ng Basilica Minor ng Quiapo Church, ay nanawagan sa mga deboto na ipinalangin ang mga lider ng bansa, kabilang si Mano Digong. Ganyan naman talaga ang doktrina, aral at prinsipyo ng Catholic Church: Pagmamahal, Pagpapatawad, Pagkakasundo at Pag-akay sa mga naliligaw ng landas at maibalik sa tunay na pananampalataya at pagdakila sa Diyos.

Bagamat galit si PDu30 sa mga pari at obispo at pinababaril pa niya ang mga ito (joke lang daw sabi ni Sal Panelo), mahal pa rin siya ng Simbahan at ipinagdarasal na magbago. Naniniwala ang Simbahan na ang mga naliligaw na tupa ay may pagkakataon pang maisalba at muling matunton ang tunay na landas ng katotohanan.

Kabilang sa mga kilabot at mabagsik na persecutor at taga-usig ni Kristo at ng Kristiyanismo ay si San Pablo (St. Paul) na noon ay kilala bilang si Saul, lider ng mga kawal-Romano. Tinugis at pinag-usig niya ang mga follower ng Kristiyanismo hanggang isang araw ay nawalan siya ng paningin dahil sa matinding pagkasilaw sa kidlat.

Nakita niya si Kristo sa kanyang balintataw at tinanong siya kung bakit niya pinag-uusig ang Panginoon at mga tagasunod: “Saul, bakit mo ako pinag-uusig?” Batay sa biblical account, biglang nagliwanag ang paningin ni Saul, nagsisi, nagliwanag ang kaisipan sa ginagawang pag-uusig at pagpatay sa mga tagasunod ni Kristo.

Nagbagong-buhay si Saul at ngayon ay naging si San Pablo (St. Paul) na pangunahing mangangaral ng Simbahan at may-akda ng mga liham sa Galatians, Ephesians, Corinthians atbp, na sa misa tuwing Linggo (Sunday) ay binabanggit sa Ikalawang Pagbasa na kilala sa From the Letters of St. Paul.

Gayundin si San Agustin (St. Augustine), babaero, manginginom at marahas. Sa walang lubay na pagdarasal ng kanyang inang si Monica, ang pangahas na si Agustin ay tumino, naging Katoliko at isa sa itinuturing na paham ng Simbahang Katoliko (Doctor of Catholic Church).

Si San Agustin ay hindi naglubay sa pag-iisip at analisa tungkol sa Holy Trinity o pagkakaroon ng tatlong persona sa iisang Diyos. Nahihiwagaan siya sa Misteryo ng Tatlong Persona kung kaya nagtungo siya sa dalampasigan. Doon ay nakita niya ang isang bata na gumawa ng isang balon na gawa sa buhangin. Inobserbahan niya ang bata na walang tigil sa pagkuha ng tubig sa kanyang pinagdaop na palad upang isalin sa balong-buhangin.

Tanong ni San Agustin sa bata: “Ano ang iyong ginagawa?” Sagot ng bata: “Nais kong ilagay sa balong ito ang lahat ng tubig mula sa dagat.” Badya ni San Agustin: “Imposible bata ang ginagawa mo.” Tugon ng bata: “Mas lalo pong imposible na malaman ninyo ang hiwaga ng Holy Trinity.” Noon napagtanto ng paham na si Agustin na hindi kailanman malilirip ng tao ang dunong, lalim at hiwaga ng Diyos sapagkat limitado ang ating kaisipan samantalang walang hanggan ang kaisipan ng Diyos.

oOo

Kung paniniwalaan ang Pulse Asia survey results, nangunguna pa rin si Sen. Grace Poe sa mga kandidato na gusto ng tao. Sa survey na ginawa noong Disyembre 14-21, kasunod niya si Sen. Cynthia Villar. Nagsalo sa ika-3 hanggang ika-4 puwesto sina Sen. Sonny Angara at Taguig City Rep. Pia Cayetano samantalang nagsama sa ika-5 hanggang ika-7 puwesto sina Lito Lapid, Sen. Nancy Binay at Sen. Aquilino Pimentel III. Ang paborito ni PRRD na sina ex-SAP Bong Go at Francis Tolentino ay nananatiling wala sa Magic 12, Si Bato Dela Rosa ay nakapaloob dito.

-Bert de Guzman