“ITO ang masasabi ko sa inyo mga bishops, mga sons of bitches, damn you. Iyan ang totoo,” sabi ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa groundbreaking ceremony para sa pagtatayo ng public high school sa Bulacan, Bulacan. Sa nauna niyang pananalita sa birthday party ni Gov. Antonio Kho sa Masbate, hinikayat niya ang mga tambay na nakawan at patayin ang mga bishop. “Hoy, kayong mga istambay dyan, kapag may bishop na magdaan sa harap ninyo, nakawan ninyo siya. Marami siyang pera – son of a bitch. Patayin ninyo siya,” wika ng Pangulo.
Ang ikinapipikon ng Pangulo ay iyong inaakusahan siya ng mga pari ng extrajudicial killing at binabatikos siya sa loob ng simbahan. “Huwag ninyo gamitin ang pulpito. Pa-interveiw kayo sa inyong opisina. Hindi namin gusto ang paraan ni Duterte sa paglutas ng problema dahil maraming tao, mga inosente ang napapatay. Kung ganyan sana, okay,” sabi ng Pangulo sa kanyang pananalita sa Masbate. Sa Bulacan, Bulacan naman sa harap ng pulutong, na kinabibilangan naman ng mga guro at mag-aaral, aniya, karamihan sa mga bishop ay mga bakla. “Dapat ay lumabas na sila at kanselahin na ang patakaran ng ‘di pag-aasawa at hayaan na silang makipag-boyfriend. Wala akong kinikimkim laban sa mga bakla. Ang problema, sino ang naniniwala na sa inyo ngayon?,” dagdag pa ng Pangulo.
Dapat bang ikagalit ng Pangulo na sa pagpuna ng mga pari sa kanyang paraan ng paglaban sa ilegal na droga ay gamitin ang pulpito? Eh ang ginagamit ng Pangulo ay ang kanyang posisyon sa pagbatikos ng kanyang mga kalaban. Ang hindi pa maganda, kapag nakikipagtalakayan siya sa mga isyung ibinabato laban sa kanyang administrasyon, pinepersonal niya ang mga ito. Hindi niya sinasagot ang isyu sa merito ng kanyang posisyon. Hahanapan niya ng butas para magantihan ang mga sumasalungat sa kanya at ibinibilad ang kanyang kawalan ng kredibilidad.
Ginawa niya na ito kina Sen. Leila De Lima at dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno. Ang pinagtutuunan niya ngayon ng kanyang galit, bukod sa mga pari at Simbahang Katoliko, ay si Sen. Trillanes. Binawi niya ang amnestiyang iginawad dito ni dating Pangulong Noynoy at pinaulanan pa ng mga kasong ang nagrereklamo ay ang kanyang mga kamag-anak at kaalyado. Ang kasalanan lang ng senador ay ibunyag na may 3 bilyong pisong tagong yaman ang Pangulo na hanggang ngayon ay bukas na isyu. Ayaw niyang bigyan ang senador ng waiver para mabulatlat nito ang rekord ng bangko, na umano ay pinaglagakan niya ng napakalaking halaga.
Mali bang sabihin ng pari sa pulpito na sa kanyang war on drugs ay maraming inosenteng tao ang napapatay? Ipagpalagay natin na mali, hindi ba higit na mali ang gamitin mo ang posisyon mo bilang Pangulo ng bansa na mag-utos kang pumatay ng tao? Higit na mali ang mag-utos ka na patayin ang mga rebeldeng komunista at kanilang kaalyado, at hikayatin mo ang mga istambay na pagnakawan at patayin ang mga bishop. Hindi ito inaasahan sa isang ama ng bansa dahil ang bawat lumabas sa kanyang bibig ay policy statement.
-Ric Valmonte