KINAIINIPAN na ng mga netizens ang muling pagsasama nina Barbie Forteza at Mika dela Cruz, na unang nagkatrabaho sa romantic-comedy series na Meant To Be.
Pero sa nasabing serye ay magkalaban ang character nila dahil insecure kay Barbie ang character ni Mika sa story.
Pero ngayon, gaganap silang magkapatid sa Kara Mia. Kambal sila sa serye, na based sa true story sa India, na mayroon ding urban legend sa Great Britain.
Nang i-offer pa lang kina Barbie at Mika ang roles nila at ikinuwento ang story ay na-excite na ang dalawa. Sa story, kambal nga sina Kara (Barbie) at Mia (Mika) na isinilang na may Disprosopus or craniofacial duplication, isang congenital defect na dalawa ang mukha nila pero iisa lang ang katawan.
Kaya nga ang mga netizens, nang mapanood ang teaser ng serye ay napatanong kung paano nangyari na dalawa ang mukha nila, pero isa lang ang katawan?
Based sa teaser, makikita na kapag nakaharap si Barbie, siya si Kara at kapag inalis niya ang belo niya, lumilitaw ang mukha ni Mia (Mika) na nasa likod niya.
Kahit mismong sina Barbie at Mika ay na-curious kung paano ie-execute ang mga eksena nila.“Pero nang magsimula na po kaming mag-taping, naintindihan na namin ang story at nasanay na kami sa character namin,” sabi ni Barbie. “Kaya excited kami lagi ni Mika kapag taping na namin.”
Nang tanungin kung mahirap gawin ang mga eksena nila, kapwa ngumiti lang sina Barbie at Mika. Panoorin na lang daw kapag ipinalabas na ang Kara Mia sa primetime block ng GMA 7 next month.
Pero ang isa pang kaabang-abang, paano kapag nagmahal na sina Kara at Mia? Makakatambal ni Barbie sa serye ang real life boyfriend niyang si Jak Roberto, at first teleserye naman ito ni Paul Salas sa pagbabalik niya sa Kapuso Network, bilang katambal ni Mika.
-Nora V. Calderon