MULA sa magandang simula, malakas na tinapos ng Ateneo ang laban upang manaig kontra Itakura Parts Philippines Corporation Nationals, 10-7, nitong Sabado sa pagpapatuloy ng Philippine Baseball League sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Sumandig ang Blue Eagles para masimulan ng maayos ang laro kay pitcher Vladi Eguia. Umiskor din sila ng dalawang runs sa unang inning.

Nagtala si Javi Macasaet ng 2-RBI double upang simulan ang opensiba ng Blue Eagles, ngunit nakahabol ang kalaban sa third inning at inagaw ang lamang 3-2.

Pagdating ng 4th inning hanggang 6th, rumatsada ng apat na runs ang Ateneo upang makontrol ang laro.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Ayon kay Ateneo rookie coach Bocc Bernardo,ang diskarte ang talagang plano ng grupo.

“Yung usual plan lang namin is to stay head. We have to maintain our confidence pa rin and dapat yung palo namin tuluy-tuloy pa rin,” aniya.

Isang sacrifice fly ni substitute Rod Bitong sa right field na nagresulta sa tatlong runs ang sumelyo ng kanilang tagumpay.

Pormal namang tinapos ni pitcher Nacho Lozano ang laban para sa Ateneo matapos nyang mapagretiro ang huling tatlong batters ng IPPC.

“We have to stay relaxed, kasi nga this team is a really good team. They knew how to come back and take advantage of any situation. Kaya kung makakakuha kami ng paraan, kunin namin,” pahayag ni Bernardo.

Ang panalo ang ikalawang sunod ng Ateneo at nanatiling nakadikit sa league-leader De La Salle University na nakatatlo ng sunod na panalo matapos pataubin ang National University Bulldogs, 6-4.

Sa isa pang laban, nakopo ng Adamson Soaring Falcons ang una nilang panalo matapos gapiin ang UST Golden Sox, 15-9.

-Marivic Awitan