PAMAMAHALAAN ng Department of Science and Technology (DoST) ang nasa sampung bagong research centers ngayong taon, kasabay ng paghikayat sa isang industry-academe partnership para sa research and development (R&D) sa bawat rehiyon.
“We will capacitate at least 10 new research centers in the regions, mostly in universities,” pagbabahagi ni Secretary Fortunato dela Pena sa Philippine News Agency (PNA) kamakailan, habang idinagdag na iba’t ibang larangan ng teknolihiya ang magiging ‘specialization’ ng bawat ng center.
Matagal nang nagbibigay ang DoST ng mga research grants sa mga instutisyon. Gayundin ang technical assistance sa mga institution at mga katuwang industriya.
Mula noong nagdaang taon, hinihikayat na ni Dela Pena ang mga nasa rehiyon na humanap ng espesyal na pangangailangan sa kanilang lugar at pagsikapang magtatag ng research center at mga pag-aaral na tutugon sa pangangailangang ito.
Sa pagtingin ng mga research proposals, tinitingnan din ng DoST kung nasa ilalim ito ng mga prayoridad para sa R&D: ang agriculture, fishery, at forestry; semiconductor and electronics; agri-processing; integrated circuit design; renewable energy; creative industries; information and communications technology at artificial intelligence; industrial waste treatment; food at nutrition; infrastructure at logistics; manufacturing; at environment at climate change.
Samantala, nabanggit din ni Dela Pena ang pagsusulong ng mga industry-academe partnership para sa R&D sa mga rehiyon.
“We will have at least one industry-academe collaborative R&D project under our CRADLE program in each region (ngayong taon),” aniya.
Isa ang CRADLE (Collaborative Research and Development to Leverage Philippine Economy) sa mga programang bahagi ng Science for Change Program (S4CP) ng DoST.
Sa pamamagitan ng CRADLE, ang DoST ang magbibigay ng pondo para sa mga naaprubahang mga pananaliksik mula sa mga higher education institutions (HEIs), R&D institutions at kanilang mga katuwang na industriya.
Kailangan din na nakaayon ang kanilang mungkahi sa priority areas ng ahensiya, at makukuha nila ang P5 milyong pondo mula sa DoST.
Ayon sa DoST, ang mga katuwang na industriya ang maaaring humanap ng problema, habang ang katuwang na HEI o RDO ang gagawa ng solusyon sa mga problema. Kinakailangan ding sagutin ng katuwang na industriya ang hindi bababa sa 20 porsiyentong kabuuang gastos ng proyekto.
Kumpiyansa naman si Dela Pena na makatutulong ang industry-academe partnership sa pagkakaroon ng mas magandang produkto o serbisyo na tutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino.
PNA