SALT LAKE CITY (AP) — Tuloy ang impresibong opensa ni Donovan Mitchell sa naiskor na 34 puntos – ikatlong sunod na kumana ng 30 o higit pang puntos – para sandigan ang Utah Jazz sa 110-102 panalo kontra sa Chicago Bulls nitong Sabado (Linggo sa Manila).
Naghabol ang Bulls sa 97-92, ngunit tinuldukan nina Royce O’Neale at Joe Ingles ang scoring run ng Chicago sa magkasunod na three-pointer para sa 105-92 may 2:23 ang nalalabi sa laro.
Kumana si Ingles ng 16 puntos para sa ikalimang panalo ng Utah sa huling anim na laro. Hataw si Rudy Gobert na may 15 puntos, 16 rebounds at career-high walong assists.
Nagsalansan si Kyle Korver ng 16 puntos, tampok ang tatlong three-pointer para lagpasan si Jason Terry sa No.4 spot sa allt-time three-point made tangan ang kabuuang 2,284 three-pointers. Nasa unahan niya sina Ray Allen, Reggie Miller at Stephen Curry.
Nanguna si Zach Lavine sa Bulls sa nahugot na 21 puntos, habang umeksena si Lauri Markkanen ng 16 puntos sa ikapitong sunod na kabiguan ng Chicago.
KINGS 104, HORNETS 97
Sa Sacramento, Calif., ginapi ng Kings, sa pangunguna ni Bogdan Bogdanovic na may 22 puntos, ang Charlotte Hornets.
Nag-ambag si Willie Cauley-Stein ng 12 puntos at 12 rebounds, habang tumipa sina De’Aaron Fox at Buddy Hield ng tig-21 puntos.
Nanguna si Kemba Walker sa Hornets na may 31 puntos para sa ikatlong sunod na kabiguan ng Charlotte.
SUNS 102, NUGGETS
Sa Phoenix, tinumpok ng Suns, sa pangunguna ni Kelly Oubre Jr. na may career high 26 puntos, ang Western Conference leader Denver Nuggets.
Hataw si Deandre Ayton ng 23 puntos at 13 rebounds para sa Suns, nagwagi sa ikatlong pagkakataon na wala si leading scorer Devin Booker na may injury.
Ratsada si Nikola Jokic sa Nuggtes sa natipang 21 puntos at 10 rebounds at nag-ambag si Malik Beasley ng 20 puntos.
WOLVES 110, PELICANS 106
Sa Minneapolis,nagsalansan si Karl-Anthony Towns ng 27 puntos at career-high 27 rebounds sa panalo ng Minnesota Timberwolves kontra New Orleans Pelicans.
Naisalpak ni Towns ang three-pointer para sa manipis na 106-103 bentahe may 2:55 ang nalalabi bago nabutata ang tangkang three-point ni Anthony Davis tungo sa fast break layup ni Tyus Jones para selyuhan ang panalo ng Wolves.
Kumana si Davis ng 30 puntos at 14 rebounds – ika-13 sunod na double-double – habang humirit si Jrue Holiday ng 25 puntos at pitong assists para sa Pelicans