“NAIS ng gobyerno na tapusin ang problemang panloob na seguridad, partikular ang problema hinggil sa Communist Party of the Philippines (CPP)-New People’s Army (NPA)-National Democratic Front of the Philippines (NDF), sa pagtatapos ng termino ng Pangulo,” wika ni Philippine National Police Director General Oscar Albayalde sa isang press conference.
“Hindi namin sinasabi na ang ACT ay kaaway ng estado. Ang inaalam namin ay ang indibidwal, hindi samahan, kaya nangangalap kami ng impormasyon,” dagdag pa niya.
Ang ACT o Alliance of Concerned Teachers ay kinikilala ng gobyerno na unyon ng mga guro na may 200,000 kasapi sa buong bansa. Ang mga miyembro nito ay nagbuhat sa mga pampublikong paaralan, samantalang ang mga sangay nitong ACT Private at ACT-SUC, sa pribadong eskuwelahan at state universities at colleges.
Pero, hindi sumasang-ayon sina Senators Panfilo Lacson at Sherwin Gatchalian sa ginagawang ito ng PNP na pino-profile ang mga guro.
“Dapat ang ginagawan ng ganito ay ang mga dishonourably discharged na PNP at AFP (Armed Forces of the Philippine) personnel para malaman ang kanilang mga gawain pagkatapos na maalis sa serbisyo, kabilang din ang kanilang lifestyle. Sa ganitong paraan ay malulutas ang maraming krimen o mapigilan ang paggawa ng mga ito,” sabi ni Sen. Lacson.
“Dapat maintindihan ng gobyerno na ang pagtataguyod ng walang panganib at matiwasay na lugar ng pinagtatrabuhan ng mga guro ay mahalaga para masiguro na matututo ang kabataan dahil ang kanilang eskuwelahan ay lugar na walang panganib at mapanatag,” wika naman ni Sen. Gatchalian.
Bakit nga naman ginagawang mapanganib ang mga paaralan? Kasi, ginagawa ng PNP na larangan ng labanan ang mga ito. Iniisa nila ang background ng mga guro para malaman kung sila ay nakaanib sa ACT. Eh ang layunin nito, tulad ng tinuran ni Gen. Albayalde, ay nakaangkla sa pagnanais ng gobyerno na malutas ang problemang panloob na seguridad ng bansa dulot ng CPP-NPA-NDF.
Kamakailan, lumabas ang isang Mario Ludades na nagpakilalang nagpundar ng kilusang komunista sa bansa. Ayon sa kanya, isang “Ka Ernesto”, na umano ay dating miyembro ng CPP, isa sa mga legal front ng CPP-NPA-NDF ay ang ACT. Kasunod ng kanilang pagbubunyag na ito ay ang utos ni Pangulong Duterte na puksain ang mga komunista at ang kanilang mga kaalyado.
Bakit hindi mababahala ang mga guro, eh ang administrasyong ito ay napakahilig gumawa ng listahan, at ang mga napapatay ng mga pulis ay sinasabing nasa listahan sila? Iyong ginagawang background check ng PNP sa mga guro ay pagbuo na naman ng listahan na ibibigay sa Pangulo para iwagayway ito sa publiko at sabihing naglalaman ito ng mga pangalan ng mga miyembro o kaalyado ng CPP-NPA-NDF.
Sa ganitong sitwasyon paano makapagtuturo nang matino ang mga guro? May matututuhan ba ang mga mag-aaral sa kanila na ang lagi nilang iniisip ay ang kanilang kaligtasan?Ang hindi ko naman maintindihan ay kung bakit gumagawa pa ng ganitong hakbang ang administrasyong gayong napakalakas niya sa taumbayan. Kapag malakas ang Pangulo sa mamamayan, na siyang ipinahihiwatig ng SWS survey, na umakyat pa sa 70 porsiyento ang kanyang approval rating, mahihirapan ang sinumang magtangkang siya ay tibagin.
Ang problema ay baka sa survey lang siya malakas at hindi sa mamamayan.
-Ric Valmonte