BAGAMAT inihayag na ni Speaker Gloria Macapagal Arroyo na hindi na kakayanin ng kasalukuyang 17th Congress na magpulong bilang Constituent Assembly upang buuin ang isang bagong Konstitusyon ng Pilipinas, inaprubahan ng Kamara de Representantes, bago magsara ang sesyon para sa taon nitong Disyembre, ang Resolution of Both Houses of Congress No. 15 (RBH-15) upang imungkahi ang burador para sa ipinapanukala na bagong Konstitusyon.

Inaasahan na ang Senado, bilang isang bahagi ng Constituent Assembly, ay lilikha rin ng sarili nitong burador, saka magpupulong ang dalawang Kapulungan upang pagtugmain ang mga hindi nagkakasundong probisyon. Para sa mga ordinaryong batas, isinasagawa ito sa isang bicameral Conference Committee. Para sa bagong Konstitusyon, inaasahang magpupulong ang buong miyembro ng dalawang Kapulungan bilang isang Constituent Assembly.

Ngayon pa lamang, unti-unting lumilinaw na magiging isa itong napakahirap na proseso.

Una, walang anumang itinakdang patakaran para sa proseso. Iginiit ni dating Speaker Pantaleon Alvarez na boboto ang Constituent Assembly bilang isang kinatawan ngunit nanindigan ang Senado sa hiwalay na botohan tulad sa pagpapatibay ng batas. Sumang-ayon si bagong Speaker Arroyo sa ideya ng hiwalay na botohan, ngunit kapag malinaw na dalawang magkaibang bersiyon ng Konstitusyon ang nabuo, paano reresolbahin ang mga pagkakaiba nito?

Pangalawa, bagamat nakabuo ng mungkahing burador ng Konstitusyon ang Consultative Committee (Con-Com) na pinamumunuan ni dating Chief Justice Renato Puno, na mismong si Pangulong Duterte ang nagtalaga, inilabas ng Mababang Kapulungan ang sarili nitong naiibang panukala. Maraming probisyon sa dalawang burador ang direktang taliwas sa isa’t isa. Halimbawa, ang panukala ng Con-Com ay naglalaman ng mga probisyon laban sa mga pulitikal na dinastiya at ‘turncoatism’ o paglilipat ng partido, habang walang ganitong probisyon ang burador ng Mababang Kapulungan.

Ikatlo, ang panukala ng Con-Com ay binuo na nakaayon sa isang pederal na sistema ng pamahalaan, na pangunahing dahilan ni Pangulong Duterte sa pagbuo ng bagong Konstitusyon. Laman nito ang mga probisyon para sa 18 pederal na rehiyon, na bawat isa ay may sariling burukrasya, batas, at hukuman. Ngunit ang resolusyon ng mababang Kapulungan ay nagbibigay lamang ng kapangyarihan sa Kongreso na mag-apruba o magbasura ng mga aplikasyon ng anumang grupo ng probinsiya at lungsod sa pagbuo ng isang pederal na estado.

May ilan pang nalalabing sesyon ang 17th Congress bago ito magtapos at papalitan ng bagong 18th Congress, na bubuuin naman ng mga bagong kongresista at senador na ang kalahati ng mga miyembro ay ihahalal sa Mayo 13, 2019. Ang bagong 18th Congress na ito ang kinakailangang bumuo ng panukala para sa bagong Konstitusyon bilang isang Constituent Assembly.

Tampok sa mga kaganapan nitong mga nagdaang buwan ang matitinding taliwas na aksiyon ng mga opisyal ng ehekutibo at lehislatura hinggil sa mungkahing bagong Konstitusyon. Ang pinakaubod ng pederalismo, na pangunahing rason ni Pangulong Duterte sa kagustuhan niya ng bagong Konstitusyon, ay hindi suportado ng maraming miyembro ng Kongreso. Hindi rin ito sinusuportahan ng publiko base sa resulta ng mga isinagawang survey.

Sa pagitan ng ngayon at ng mabubuong 18th Congress, kinakailangan ang isang tunay na matapat na pagsisikap ng ating mga opisyal upang ikonsidera ang magkakataliwas na usapin, kabilang ang pananaw ng marami na maayos naman ang bansa sa ilalim ng kasalukuyang Konstitusyon at walang agarang pangangailangan para sa isang bagong Konstitusyon sa ngayon.