Magsisimula na bukas, Enero 13, ang election period para sa halalan sa Mayo 13, 2019.

Nagsasagawa ng checkpoint ang pulisya sa Caloocan City noong Abril 2018 kaugnay ng pagpapatupad ng election gun ban para sa barangay elections noong Mayo, 2018. (MB, file)

Nagsasagawa ng checkpoint ang pulisya sa Caloocan City noong Abril 2018 kaugnay ng pagpapatupad ng election gun ban para sa barangay elections noong Mayo, 2018. (MB, file)

Kaugnay nito, nagpaalala ang Commission on Elections (Comelec) na magsisimula na rin ang pagpapatupad ng gun ban sa bansa, o ang pagbabawal sa pagbibitbit ng mga armas at iba pang nakamamatay na sandata sa labas ng bahay, gaya ng baril, patalim, itak, ice pick at iba pa.

Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, dahil sa gun ban ay kanselado muna ang mga inisyung permit to carry firearms outside residence (PTCFOR) kaya hindi na maaaring magbitbit ng mga armas sa labas ng bahay, maliban na lang sa mga mabibigyan ng gun ban exemptions.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Bawal na rin ang paggamit ng mga kandidato ng security personnel at bodyguards, maliban na lang kung pinahintulutan sila ng Comelec.

Nabatid na may mga nakapuwesto na ring mga Comelec checkpoint sa mga strategic locations, na dapat ay maliwanag, binabantayan ng mga unipormadong pulis, at may dapat na impormasyong nakapaskil, gaya ng contact number at pangalan ng pulis at election officer na in-charge sa lugar.

Ipinaliwanag naman ni Jimenez na gaya ng normal na checkpoint, hindi obligado ang mga motorista na buksan ang kanilang mga sasakyan.

Dapat rin aniyang sundin ng mga awtoridad ang “plain-view doctrine” sa pagsasagawa ng checkpoint.

“They can look but they should not touch,” ani Jimenez.

Kaugnay nito, hinimok ng National Citizens' Movement for Free Elections (Namfrel) ang publiko na maging “observant” ngayong election period, at iparating sa kinauukulan ang anumang paglabag ng mga kandidato.

“This coming elections, be a citizen election observer. If you observe any election violation in your community, take photo, document it, or gather proof, and report it to Comelec or Namfrel,” saad sa pahayag ng poll watchdog group.

Batay sa calendar of activities ng Comelec, ang campaign period para sa senatorial aspirants ay magsisimula sa Pebrero 12, habang Marso 30 naman magsisimulang mangampanya ang mga kandidato sa mga lokal na posisyon.

Magtatagal ang election period hanggang sa Hunyo 12, na deadline rin sa pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kandidato, nanalo man o natalo sa eleksiyon.

Mary Ann Santiago at Analou De Vera