MAY bagong e-library o aklatan at museum ang Binangonan. Ang library at museum ay nasa itinayong gusali sa tabi ng simbahan ng Santa Ursula sa bayan.
Pinasinayaan at binuksan ang nasabing museum at aklatan nitong Enero 10, 2019 kasabay ng pagdiriwang ng kaarawan ni Binangonan Municipal Administrator Russel C. Ynares. Siya ang nagbigay ng welcome address o bating pagtanggap sa lahat ng panauhin at sa mga taga-Binangonan na dumalo sa pasinaya.
Si Konsehal Rey Punelas naman ang nagbigay ng kanyang mensahe na nagbigay-diin sa kahalagahan ng kultura ng bayan, at ang pagkakaroon ng pampublikong museum.
Pinangunahan naman ni Father Val Sotero ang pagbabasbas sa bagong gusali ng public museum at aklatan. Sa nasabing gusali, naroon din ang Tanggapan ng Turismo, Kultura at Sining ng Binangonan, na nasa ikalawang palapag.
Ang pasinaya at pagbabasbas sa bagong museum at aklatan ng Binangonan ay dinaluhan ng mga guro sa pribado at pampublikong paaralan sa munisipalidad.
Binubuo ito ng DepEd Family ng Binangonan District 1, Binangonan District II at Binangonan District III. Nagsidalo rin sa pasinaya ang mga guro ng Binangonan Catholic School, ang mga punong-kawani ng munisipyo ng Binangonan, ang mga miyembro ng Sanggunian Bayan, sa pangunguna ni Vice Mayor Boyet Ynares, at ang mga opisyal ng barangay.
Nagbigay-kulay at sigla rin ang pagdalo ng pamunuan at mga miyembro ng “Bigkis-Sining”, ang samahan ng mga alagad ng sining sa Binangonan.
Sa bahagi ng mensahe ni Municipal Administrator Russel Ynares, matapat niyang pinasalamatan ang pagdalo at pakikiisa ng mga taga-Binangonan sa pagbubukas at pasinaya ng bagong aklatan at museum, na makatutulong sa paglawak ng kaalaman at kamalayan ng kabataan sa Binangonan tungkol sa sining at kultura ng bayan. Malaking tulong din sa mga mag-aral ng Binangonan sa gagawin nilang research o pagsasaliksik tungkol sa Binangonan.
Sa mensahe naman ni Dr. Rose Callanta-Ynares, ang butihing maybahay ni Binangonan Mayor Cesar Ynares, binigyang-diin niya ang kahalgahan ng pagkakaroon ng museum ng Binangonan sapagkat ang mga likhang-sining at iba pang art work ng mga taga-Binangonan ay mapangangalagaan at maiingatan. Gayundin ang iba pang mga sinulat tungkol sa Binangonan.
Ang pangalang Binangonan ay pinaniniwalaang nagmula sa mga salitang “Lugar na Binangonan ng Bayan” at sa mga “bumangong kaluluwa” nina Rodrigo at Prinsesa Maleya. Ayon sa alamat, si Rodrigo ay isang sundalong Kastila na napadpad sa lugar ni Raha Martikiw, na kung tawagin ay Batasin, dahil sa gintong baboy-damo na lumalabas tuwing kabilugan ng buwan sa Bundok Makagutom.
Nakipamuhay si Rodrigo sa mga katutubo. Sa kanyang paninirahan, nangaral siya na mali sa paniniwala ng mga nasasakupan ni Raha Matikiw. Dinakip si Rodrigo habang nangangaral, hinatulan ng kamatayan sa pamamagitan ng pagtatali sa krus at pagbibilad sa araw kasama si Prinsesa Maleya, na natuklasan ng Raha na umiibig sa dayuhan.
Makalipas ang tatlong araw makaraang mailibing ang magkasintahan, bumangon ang kaluluwa nina Rodrigo at Prinsesa Maleya, na nasaksihan ni Raha Matikiw. Simula noon, naniwala ang Raha sa mga sinasabi ni Rodrigo at tinawag na BINANGONAN ang lahat ng lupain na nasasakupan ng Raha.
Ang Binangonan, ayon sa kasaysayan, ay kilala sa tawag na Visita de Morong. Naging isang malayang parokya noong 1621 at naging isang bayan noong 1737. Ang simbahan ng Binangonan na damabana ng kanilang patroness na si Sta. Ursula, na ipinagpipista tuwing ika-21 ng Oktubre, ay sinimulang itayo ng mga misyonerong Fransiscano noong 1792, at natapos noong 1800.
Simula noon hanggang ngayon, ang simbahan ay naging pook-dalanginan ng mamamayan na may loob at matapat na pananalig sa Poong Maykapal.
Naging isang munisipalidad ang Binangonan noong Marso 29, 1900 sa pamamagitan ng Executive Order No. 40, sa ilalim ng rehimen ng mga Amerikano. Nang ang Distrito Politico Militar de Morong (Morong District) ay maging lalawigan ng Rizal noong Hunyo 11, 1901, ang Binangonan ay isa sa mga bayan sa Rizal. Ang unang alakalde ay si Mayor Jose Ynares (1901-1905), na ama ni Mayor Casimiro Ynares, Sr. (1952-1939) Si Mayor Ynares Sr. ang tatay nina dating Mayor Casimiro “Ito” Ynares, Jr. (1972-1986, 1988- 1992), Mayor Cesar Ynares (1992-2007 at kasalukuyang Mayor), at Mayor Boyet Ynares (2007-2016).
Ang Binangonan ang pinakamalaking bayan sa Rizal. Binubuo ito ng 40 barangay, may 13 barangay sa mainland o bayan at 17 sa Talim Island. Sa bayan ng Binangonan isinilang sina dating Rizal Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr. at dating Rizal Rep. Bibit Duavit na magkatulong sa pagpapaunlad sa Rizal matapos na ang probinsiya ay agawan ng 12 mauunlad na bayan na isinama sa binuong Metro Manila, masunod lang ang kapritso ni Imelda Romualdez Marcos na maging governor ng Metro Manila.
Naagaw ang 12 mauunlad na bayan sa Rizal sa pamamagitan ng Presidential Decree, na nilagdaan ng diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos. Nangyari ito sa panahon ni dating Rizal Gov. Isidro Rodriguez, na walang nagawa sa kamandag ni Marcos.
Naghirap ang lalawigan ng Rizal. Napaunlad na muli sa pagsisikap at pagtutulungan nina dating Rizal Gov. Casimiro “Ito” Ynares, Jr. at ni dating Congressman Bibit Duavit
-Clemen Bautista