HANGANG-hanga ang buong production ng upcoming TV series na The General’s Daughter sa pagiging propesyunal ng bida ng serye na si Angel Locsin.

Angel Locsin (2)

“Wala kaming naging problema kay ‘Gel, sobrang professional. Lalo na sa fight scenes, hindi ‘yan nagpapa-double, lahat kami natakot kasi alam naman naming may problema siya sa spine, ‘di ba? Si Sir Deo (Endrinal) nga nag-alala rin. Eh, sabi naman niya (Angel), kaya niya,” kuwento sa amin ni Rondel Lindayag, creative head ng Dreamscape Entertainment.

Pinaghahandaan daw ng aktres ang fight scenes dahil tinatanong daw nito ahead kung anong kukunan, at saka niya ito pinag-aaralan kaya pagdating daw sa set ay alam na ni Angel ang atake na hindi magiging delikado sa spine niya.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

“Saka siya na ang nagdidirek ng sarili niyang fight scenes, depende kung saan siya magiging kumportable. Like sasabihin niya, ‘o dito mo ako aatakehin’ (aatake ang kaaway). Saka may kasama siyang doktor niya, tinatanong niya kung tama ‘yung galaw niya. So far okay naman lahat, walang naging problema sa shoot,” kuwento pa ni Rondel.

At base rin sa kuwento ni Angel sa solo presscon niya para sa The General’s Daughter, na mapapanood na sa Enero 21 pagkatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano.

“Meron akong aaaminin doon na nagpa-double na talaga ako, usually kasi ako lang, fight scenes, underwater ako lang. Nagpa-double lang ako kasi hindi ko keri tumalon sa Manila Bay, hindi dahil sa hindi ko kayang tumalon, kundi dahil sa (takot sa) skin disease. Sabi po kasi ng mga seaman, kahit sila hindi sila tumatalon doon kasi grabe po (ang dumi).

“Kailangan mong magpa-anti tetanus shots. So hassle pa (limitado na ang oras). So, pagsilip ko do’n sa dagat (mula sa barko), ‘yung mga isda lumulutang, mga patay hindi kinaya ang tubig. Eh, akong hindi naman tagatubig bakit ako tatalon, bakit ko gagawin ‘to?

“In fairness sa production, hindi naman nila ako sinabihang gawin ko. Ako lang ‘yung nagsabing ‘kaya namang gawin, ‘wag naman nating dayain ‘to’ Eh, nakita ko, namatay ang mga isda, hindi kinaya. Iyon po, nagpa-double po talaga ako,” pagtatapat ng The General’s Daughter.

Naikuwento rin na masunurin si Angel sa mga ipinagagawa sa kanya, kumbaga sa estudyante, ginagawa niya ang assignment niya.

“Ang trabaho ko po bilang artista is to follow instruction, scripts at sa direktor ko na ‘yun ang ginagawa ko. Kung may ibang questions naman, sa amin na lang ‘yun kung paano namin itatawid ‘yung mga characters namin o ikokonek-konek.

“Sa preparations naman, doon ako nag-ask kasi, I have to protect my back (spine). So sinabi ko na baka puwedeng send in advance kung ano ‘yung mga style (fight scenes) ganu’n. Pero dahil hindi pa kami ready (mag-taping) that time, ang pinaaral nila sa akin is bilang isang sundalo kung paano ang drills, saludo, paano ang buhay-kampo, buhay-ospital.

“Ilang araw po kami sa hospital, sa loob ng ambulansiya, they’re very gracious sa amin, especially the head nurse, sa AFP, ang bait-bait niya sa amin, sinuportahan niya kami sa ospital.

“Nag-aral ako ng martial arts para pagdating (sa set) hindi na sasakit ang likod ko po. Aral akong mag-motor. Thankful po ako kasi nagkaroon ako ng opportunities na matuto ng ibang bagay sa The General’s Daughter,”kuwento ng aktres.

At kahit may problema sa likod si Angel ay tumanggap pa rin siya ng karakter na bawal para sa sakit niya.

“Gusto ko kasing i-prove sa sarili ko na kaya ko, dami kasing nagme-message sa akin na same conditions na nahihirapan sila sa paglakad, masakit ang likod, spine problems.

“So kapag nakikita nilang nakakaya ko, medyo matagalan, baka kahit paano ay mabuhayan sila ng loob na, ‘ay hindi pala ito ang end ng activities ko, ‘yung life ko puwede palang magdidiretso, kailangan ko lang maging extra careful’. Hindi ibig sabihin na magtatapos na ang journey mo kaya eager akong gawin.

“Pero hindi naman ako buwis-buhay, kasi ayoko namang pagdaanan na ‘yung napagdaanan ko dati. Pero gusto kong i-challenge ang sarili ko na nag-improve na ako at dahil diyan, ibang klase ‘yung happiness,” kuwento ni ‘Gel.

Napagkuwentuhang hindi nagkaroon ng aberya ang tapings ng The General’s Daughter, na halimbawang sumama ang pakiramdam ni Angel.

“Wala po kaming gawin, hindi ko naman po ibibitin ang production kasi napakalaki ng ginagastos nila sa mga eksena nila para sabihin kong, ‘ay sorry ha, nagkamali ‘yung likod ko, hindi pupuwede’. So, ayokong maging responsible kaya before hand, nagpe-prepare na ako at sasabihin ko naman kung talagang hindi ko kaya. Walang ganu’n, may mga pasa konti lang, pero wala ‘yun,” say ng aktres.

Abangan ang nalalapit na airing ng The General’s Daughter sa Enero 21, handog ng Dreamscape Entertainment, at pinagsama-sama ang mga sikat na artistang tulad nina Tirso Cruz III, Albert Martinez, Eula Valdez, Janice De Belen, Paulo Avelino, JC De Vera, Arjo Atayde, Ryza Cenon, Ronnie Alonte, Loisa Andalio at may espesyal partisipasyon ang Diamond Star na si Maricel Soriano.

-REGGEE BONOAN