ANG pagpapatiwakal ng isang Tunisian photo-journalist kamakailan, sa pamamagitan ng pagsunog sa sarili para ibandila ang “kapabayaan” ng kanilang gobyerno, ay muling nagbibigay diin sa panganib at trahedyang kinakaharap ng media upang mabigyan ng makabuluhang katotohanan ang marangal na misyon ng pamamahayag.
Sinasalamin din ng trahedyang naganap ang mga suliranin at hamong binubuno ng mga Pilipinong mamamahayag lalo na sa mga lalawigan, habang tinutupad nila ang misyong maghatid ng mga sariwang balita at katotohanan sa publiko. Ang banta sa kanila ay nag-uugat sa kabiguan ng kanilang mga pinaglilingkuran at pamahalaan na bigyan sila ng ligtas na kapaligiran, suporta at makataong sahod sa ginagampanan nilang mga tungkulin.
Sa kabila ng naturang mga hamong kinakaharap ng community media sa pagtupad ng kanilang tungkulin, nangunguna pa rin sila sa paglalahad ng mga kaganapan at pagsasalaysay ng mga totoong pangyayari. Isa itong tungkuling hindi gaanong pinupuri at madalas pa silang binabatikos.
Bilang ‘torch of freedom’ o ‘sulo ng kalayaan,’ ang mga mamamahayag ng community media, sa kabila ng kanilang mga limitasyon, ay nananatiling mahalagang instrumento upang matiyak ang isang masiglang demokratikong espasyo kung saan nababatid pa rin ang tunay na katotohanan. Lalo nga lamang silang nanganganib kapag nahaharap sa mga hamon at pagbabanta mula sa mga tao at ahensiyang ginagamit ang kanilang posisyon at katunkulan upang gipitin sila.
Isang kabalintunaan na sa kabila ng napakahalagang tunkulin nilang ginagampanan, kapos naman sila sa mga kagamitan na lalo sanang makapagpapahusay sa pagtupad sa tungkulin. Lalong tumitingkad ito kapag nakakasuhan sila sa hukuman na madalas ay mag-isa nilang hinaharap.
Nananatiling talamak ang kurapsiyon sa pamahalaan na kailangan talagang ibulgar. Ang pag-uulat sa publiko ng mga pang-aabusong ito mula sa malalayong nayon ay isang tungkuling pinagsusumikapang tuparin ng community press, kahit hirap na hirap sila. Kung walang suporta ng mga kinauukulan, paano nila maisisiwalat ang mga balita at katotohanan sa paraang hindi masasakripisyo ang kanilang buhay.
Sa buong mundo ngayon, ayon sa Committee on the Protection of Journalists, 348 peryodista ang nakakulong, 60 ang mga bihag na hostage, at 80 ang pinaslang noong 2018. Sa talaan ng Reporters Without Borders, 75 mamamahayag ang pinalang sa buong mundo sa nakaraang 10 buwan.
Nakagigimbal ang talaan sa Pilipinas. Mula 1986, umabot na sa 164 ang mga Pilipinong mamamahayag na pinaslang, na karamihan ay mula sa mga lalawigan. Dahil nagiging sentro ng pag-atake ang media, ang pag-uulat ng mga balita ay nagiging mapanganib na misyon.
-Johnny Dayang