ISA ang Sarangani sa mga top performers ng bansa para sa kampanya laban sa ilegal na droga sa nakalipas na dalawang taon, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Nitong Miyerkules, ibinahagi ni Governor Steve Chiongbian Solon na kabilang ang probinsiya sa 21 local government units (LGUs) sa bansa na nakatanggap ng high-performance rating para sa anti-drug campaign, base sa yearend audit ng ahensiya simula 2017.
Ayon kay Solon, nitong Disyembre 28 pa natanggap ng Sarangani ang performance award mula sa DILG, na pinamumunuan ng Provincial Anti-Drug Abuse Council (PADAC).
Sa ADAC performance audit ng DILG, nasa 241 LGU, na binubuo ng mga probinsiya, lungsod at bayan, ang nakakuha ng iskor na 85 hanggang 100 at binigyan ng “ideal” rating o high functionality.
Habang hindi bababa sa 21 LGU, kabilang ang Sarangani, ang nakakuha ng perfect scores.
Kinikilala ng National ADAC Performance Award ang pagsiskap ng mga LGU sa pamamagitan ng kani-kanilang ADACs, “in complementing the national government’s efforts in eradicating the country’s illegal drug problem.”
Ayon kay Lizette Lopez, miyembro ng PADAC secretariat, kabilang sa mga salik na nagpataas sa performance ng probinsiya ay ang pagkakatanggap nito ng pagho-host bilang pilot site sa Mindanao ng “Balay Silangan” isang programa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nagbukas noong Mayo ang “Balay Silangan,” sa bayan ng Malungon, at nagbibigay ng pansamantalang tahanan at rehabilitasyon sa mga drug users at offenders.
Bukod dito, ang kanilang dobleng pagsisikap upang maging kapaki-pakinabang ang lokal na ADAC, lalo na ang implementasyon ng Community-Based Rehabilitation Program (CBRP).
Ginamit ng probinsiya ang programa upang matugunan ang pangangailangan na maiwaksi ang paggamit at pag-abuso sa ilegal na droga sa mga lokal na komunidad.
“We did a lot of work but now we have 700 plus volunteers doing the community-based rehabilitation,” ani Lopez.
Dagdag pa niya, mahigit 7,000 katao na gumagamit ng droga (PWUDs) ang lumutang sa probinsiya mula noong 2016 ngunit nabawasan ang bilang na ito sa 5,654 matapos ang data cleansing na isinagawa ng lokal na pamahalaan nitong Oktubre.
Sa Sarangani, ani Lopez, lahat ng PWUDs na nasa low at medium level ay dinadala sa mga CBRP habang ang nasa high level ay nasa mga rehabilitation center.
Nito lamang nakaraang buwan, pormal na ipinakita ng Department of Health ang 150-bed drug rehabilitation facility ng Soccsksargen’s sa Alabel, Sarangani.
Ang konstruksiyon ng pasilidad ay pinondohan ng China sa pamamagitan ng P350 milyong tulong.
“The good news is that, we already have graduates under the CBRP and we’re continually expanding the program,” ani Lopez said, kasabay ng pagbabahagi na ang mga nagtapos ay dumaan sa “meaningful” na rehabilitation sa loob ng tatlo hanggang apat na buwan.
Sa pagtatapos ng taon, 18 porsiyento umano ng mga sumukong PWUD sa lugar ang nagtapos na sa programa.
PNA