Mga kilabot sa pagpapautang ng ‘5-6’ ang pinakabagong dagdag sa listahan ng umano’y ipapapatay ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagbanta ang Pangulo na ipauubos niya ang mga nasa likod ng 5-6 lending scheme, na aniya’y dahilan kung bakit nananatiling lubog sa utang ang maraming Pilipino, partikular ang mahihirap.
“Alam ko ‘yang 5-6. Iyan ang gusto kong patayin na sistema. Kung hindi ko mapatay ang sistema, ‘yung nagdadala ng 5-6 na lang ang ating patayin. Mas madali man siguro,” pahayag ni Duterte sa kanyang pagbisita sa Bulacan nitong Huwebes, na umani ng palakpakan sa mga manonood.
Ayon kay Duterte, ang 5-6 scheme, na isang impormal na pautangan na nagpapataw ng mataas na interes sa mga nangungutang, ay isang uri ng pang-aapi at pagsasamantala sa mga nagigipit na Pilipino.
Napapansin niyang lalo lang naghihirap ang mga umuutang ng 5-6, lalo dahil hindi lang ang halagang inutang ang babayaran ng umutang, kundi maging ang overpriced appliances na iniaalok pa ng mga nagpapa-5-6.
“You know, there in Davao, maldito itong… Well, I’m not trying to derogate the nation or the tribe. But itong mga 5-6 kasi sa Davao magpautang. Pagkatapos ‘pag mag-utang ka ng pera, pautangin ka pa ng kama, TV set. So dagdagan nila, so you are in perpetual bondage," kuwento ni Duterte.
“Parang ang tao is slave working for you or for your money," dagdag niya.
Sa pagsisikap na wakasan ang 5-6 na lending scheme, sinabi ni Duterte na nais lang niyang protektahan ang mga Pilipino at maging “fair to everybody”.
“Sabi ko sa kanila doon, you better stop it. Kung magpahingi ka ‘yung mucho derecho ‘yung the adopted method of lending the money and getting back the payment. Pero kung dagdagan ninyo ng ganun, p***** i**, papatayin ko kayo,” banta ng Pangulo.
“Ang buang marami ring namatay pero puro disgrasya. Nagmomotor eh. Eh ‘di bungguin mo lang ‘yung puwet diretso-diretso na ‘yan sa impiyerno,” dagdag pa niya.
Matatandaang sa simula pa lang ng termino ni Duterte ay ipinag-utos na niya ang crackdown sa mga nagpapa-5-6, at binantaang aarestuhin at ikukulong ang mga dayuhan na sangkot sa nasabing kalakaran.
Naglaan din ang pamahalaan ng bilyon-pisong pondo para sa abot-kayang micro-financing para sa maliliit na negosyante, upang mabawasan ang pagdepende ng mahihirap sa 5-6.
Genalyn D. Kabiling