“IYONG ginawa ni Senator Trillanes na dapat siyang parusahan ay nalalapit nang panagutan niya, at wala siyang dapat sisihin kundi ang kanyang sarili dahil siya ang gumawa ng sariling kumunoy. Ang nangyayari sa kanya ay dapat katakutan ng mga taong pagkatapos na gastusan ng buwis ng mamamayan ang kanilang edukasyon ay magplano ng laban sa gobyerno na nag-aruga sa kanila, maging ang mga taong ginamit ang kanilang kapangyarihang pulitikal para iiwas sila sa pananagutan habang inaalipusta at iniintriga nila ang mga kinamumuhian nilang tao kahit ibuyo nila ang sambayanan para mag-aklas laban sa pamahalaan,” pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, bilang reaksiyon sa naging desisyon ng Makati RTC na ibinasura ang motion for reconsideration ni Sen. Trillanes na humihiling na bawiin ang naunang desisyon.
Sa naunang desisyon, may kapangyarihan si Pangulong Duterte na iisyu ang Proclamation No. 572 at iniatas nito na arestuhin ang senador. Kasi, pinawalang-saysay ng proklamasyon ng Pangulo ang amnestiya na iginawad ni dating Pangulong Noynoy sa senador dahil walang katibayan na ito ay nag-apply ng amnesty. Sa huling desisyon ng RTC, ibinasura nito ang motion for reconsideration ng senador dahil umano nabigo itong ipakita ang application form at hindi niya naipaliwanag ang kabiguang ito.
Ipaubaya na natin sa iba ang pagtalakay sa isyu kung ang desisyon ng RTC na nagpapawalang halaga sa motion for reconsideration ng senador ay legal o constitutional. Ang mahalaga sa akin ay ang kuru-kuro ni Presidential Spokesperson Panelo. Ayon kay Panelo, dapat katakutan ng iba ang naging desisyon laban sa senador. Hindi, aniya, dapat na gawin ng sinumang pinag-aral ng buwis ng mamamayan ang magplano laban sa gobyerno. May mga pangyayari na hindi na isaalang-alang si Panelo sa kanyang tinurang ito, kaya hindi ito dapat pahalagahan. Noong mag-alsa si Trillanes at kapwa niya mga sundalo, labis ang kurapsiyon na naganap sa militar sa ilalim ni dating Pangulong Gloria Arroyo. Ang salapi para sapatos, uniporme at armas ng mga sundalo ay kinukupit ng mga nakatataas sa kanila. Ang mga pinuno noon ay dinala ni Arroyo sa administrasyon ni Pangulong Duterte. Maging ang administrasyon ni Arroyo ay tadtad ng kurapsiyon. Hindi lumilipas ang bawat taon sa kanyang panahon na walang kasong impeachment na isinasampa laban sa kanya kaugnay ng kurapsiyon. Sa kanyang panahon, katulad ng nangyayari ngayon, may mga dinukot at nangawala.
Ang gobyerno ay itinatag ng taumbayan para sa kanilang kapakanan. Kaya, inaasahan nila na ang kanilang pinagkalooban ng kapangyarihan para patakbuhin ang gobyerno ay gagampanan ang kanilang tungkulin para sa ganitong layunin. Pero, kapag ginamit ng mga ito ang gobyerno para sa kanilang sariling interes at ang masama, ay ginamit ang puwersa nito para pagmalupitan at patayin ang taumbayan, karapatan ng taumbayan na lumaban. Naaayon sa kanilang karapatang idepensa ang kanilang sarili kahit mauwi ito sa pagbuwag ng gobyerno at bawiin ang kanilang ipinagkaloob na kapangyarihan.
-Ric Valmonte