NAGTALAGA na ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng mga puntiryang lugar sa baybaying bahagi na nakapalibot sa Manila Bay, habang pinaghahandaan na ng ahensiya ang sunod na pakay na malawakang paglilinis matapos ang Boracay. Ngayong buwan lamang, sinabihan na ni Secretary Roy Cimatu ang mga opisyal ng probinsiya at bayan sa paligid ng look hinggil sa plano para sa nakatakdang cleanup drive.
Sentro ng kampanya ang Metro Manila sa silangang baybayin ng look, kung saan ibinubuga ng Ilog Pasig ang malaking dami ng dumi mula sa mga alkantarilya. Sa kanluran ay ang Bataan, sa hilaga ang Pampanga at Bulacan, at sa timog ang Cavite, lahat ng mga ito ay may mga ilog na nagdadala ng polusyon sa look.
Kamakailan lamang, idineklara ni presidential spokesman Salvador Panelo na handa si Pangulong Duterte na magpakita ng political will upang maipatupad ang paglilinis sa Manila Bay, kahit pa ipasara nito ang mga establisyemento sa mga lungsod at kalapit nitong probinsiya na nagdadala ng polusyon. Kung ano ang ginawa ng pamahalaan sa Boracay, aniya, ay gagawin din sa Manila Bay.
Ayon kay Panelo, inaasahan na ang paglalabas ng Pangulo ng isang executive order para pasimulan ang planong paglilinis na inihahanda ng DENR. Maaaring gamitin ang mga pondo mula sa Road Users Tax para sa pagpapatupad ng proyektong rehabilitasyon sa paligid ng look at mga karugtong nitong bahagi ng tubig.
Kung titingnan ang mapa ng Pilipinas, makikita ang lawak ng problema. Ang katubigan ng Manila Bay ay higit daang beses na mas malawak kumpara sa Boracay. At ang fecal coli form bacterial level ng look ay umaabot na ngayon sa 350 MPN (Most Probable Number), kumpara sa 100 MPN sa paligid ng Boracay nang isara ito sa loob ng anim na buwan noong Mayo.
Sampung taon na ang nakalilipas, taong 2008, bilang tugon sa reklamo ng isang grupo ng mga residente, naglabas ang Korte Suprema ng desisyon na nag-uutos sa 13 ahensiya ng pamahalaan, sa pangunguna ng DENR, na linisin at isaayos ang Manila Bay. Tanging ngayon lamang sa wakas ay kumikilos na ang pambansang pamahalaan upang ipatupad ang utos ng korte.
Kinailangan ang matinding political will sa pagsasara ng Boracay, ang nangungunang tourist destination ng bansa, sa loob ng anim na buwan. Maraming hotel at ibang establisyemento na walang tamang sewage treatment facilities ang nagdudulot ng polusyon sa paligid ng katubigan na naging “cesspool” na, ang terminong ginamit ni Pangulong Duterte.
Matagal nang mas malawak na “cesspool” ang Manila Bay kumpara sa Boracay. Mangangailangan ito ng pambihirang political will upang obligahin ang mga bayan at lungsod kasama ng kanilang mga pabrika at milyun-milyong tahanan na naglalabas ng matinding dumi sa mga sapa at ilog na tumutuloy sa look. Ngunit, matapos ang Boracay, kumpiyansa tayo na maipapatupad ni Pangulong Duterte ang paglilinis na ito sa pamamagitan ng katulad na matinding political will.