Agaw-pansin ang litrato ng isang panty, na viral ngayon sa social media dahil sa pagkakaimprenta ng pangalan ng isang lokal na kandidato sa puwitan nito, hindi lang para sa mga netizens, kundi maging sa mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec).
Nabahala si Comelec Commissioner Rowena Guanzon, at sinabing panahon na marahil upang magtakda ang komisyon ng mga panuntunan kung alin ang puwede at hindi puwede na ipamigay ng mga kandidato sa mga botante.
“We should have a rule on what materials are prohibited. Those that are obscene or show women as sex objects,” tweet ni Guanzon. “This one really overdid it.”
Si Guanzon din ang pinuno ng Gender and Development (GAD) Committee ng Comelec.
Maging si Comelec Spokesman James Jimenez ay kinuwestiyon ang nasabing giveaway ng kandidato.
“Well, hell. That’s not exactly what politicians want to be known for, is it?” tweet ni Jimenez.
Una nang inamin ni Jimenez na walang magagawa ang Comelec upang pigilan ang mga kandidato na nagsasagawa ng premature campaigning.
Batay sa Republic Act No. 9369 “any person who files his Certificate of Candidacy shall only be considered as a candidate at the start of the campaign period”.
Ang campaign period para sa mga kandidato sa national position ay sa Pebrero 12, 2019 hanggang Mayo 11, 2019.
Habang ang mga kandidato naman sa lokal na posisyon ay mangangampanya simula sa Marso 29, 2019 hanggang Mayo 11, 2019.
-Leslie Ann G. Aquino