NAGPAHAYAG ng pagkabahala ang mga miyembro ng samahan ng mga guro na Alliance of Concerned Teacher (ACT) hinggil sa aksiyon ng pulisya sa maraming bahagi ng bansa na kilalanin ang mga miyembro ng ACT sa mga paaralan. Napaulat na hinihingi ng mga pulis sa mga punong-guro at iba pang opisyales ng paaralan ang listahan ng mga ACT members sa kanilang faculty.
Agad na nagbigay ng pagsisguro ang National Capital Region Police Office (NCRPO) sa mga guro na nangangamba na ang operasyong ito ay kahalintulad ng survey na isinagawa ng Philippine National Police (PNP) upang matukoy ang mga pinagtataguan ng droga at ang mga drug suspect sa Oplan Tokhang. Matatandaan na matapos ang survey, naging sunud-sunod ang mga pagsalakay ng pulisya kung saan libu-libo ang napatay, dahilan upang pansamantalang palitan ni Pangulong Duterte ang PNP ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bilang punong ahensiya ng kampanya laban sa droga.
Sinabi ni Director Guillermo Eleazar ng NCRPO na walang pormal na direktiba para sa mga pulis na magsagawa ng imbentaryo sa mga miyembro ng ACT sa mga pampublikong paaralan sa Metro Manila. Gayunman, idinagdag niya na ang pagkuha ng impormasyon ay bahagi ng tungkulin ng pulisya.
Napaulat din ang pangangalap ng impormasyon ng PNP sa mga probinsiya ng Tarlac, Bulacan, Cebu, Sorsogon, Camarines Sur, Zambales, at Agusan del Sur. Kasalukuyan namang tinitingnan ng Department of Education ang ulat; at nagbigay na ng utos sa mga opisina nito sa mga rehiyon na beripikahin ang mga ulat tungkol sa paghingi ng PNP ng listahan ng mga miyembro ng ACT sa mga probinsiya.
Tunay naman na ang pangangalap ng impormasyon ay isang lehitimong bahagi ng trabaho ng mga pulis, ngunit hindi masisi ang ACT na matakot sa proyektong ito ng pulisya—na humahalungkat sa katauhan ng mga miyembro nito.
Ang ACT ay isang militante at nasyonalistang samahan ng mga guro na itinatag noong 1982 para sa ekonomikal at pulitikal na kalagayan ng mga guro at ibang nagtatrabaho na may kinalaman sa edukasyon. May iba rin itong tunguhin, kabilang ang proteksyunan ang karapatang pantao, karapatan ng manggagawa, reporma sa lupa, at pagkakapantay ng kasarian. Kaalyado nito ang party-list na ACT Teachers na may dalawang kinatawan ngayon sa Kongreso.
Mabilis ang pagtitiyak ni Presidential spokesman Salvador Panelo sa mga guro, na nakararamdam ng takot sa proyekto ng PNP. “The President loves the teachers. He has promised to double their salry,” giit ni Panelo. Na maaari umanong maganap sa loob ng dalawa o tatlong buwan.
Mabuti na agad nanawagan ng atensiyon ang ACT hinggil sa pangangalap ng impormasyon ng PNP sa mga miyembro nito. Anuman ang motibo, tila nagiging malayo na ang operasyon ng PNP mula sa dati nitong tungkulin bilang pulis na labanan ang krimen at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad. Agad na inaksyunan ni PNP chief Oscar Albayalde ang isyu at sinuspinde ang tatlong opisyal ng PNP na nagpatupad nito.
Ang mabilis na tugon ni Panelo bilang kinatawan ni Pangulong Duterte ay dapat na magbigay din ng kasiguraduhan sa mga guro na matagal nang naghihintay ng mas magandang kita na ipinangako ng Pangulo matapos nitong doblehin ang suweldo ng mga pulis at militar nitong nakaraang taon.