HANGGANG kalian kaya tayo maghihintay?

Mahabang panahon na rin na tila nag-aabang sa wala ang may-ari ng mga bagong motorsiklo sa bansa para sa kanilang plaka mula sa Land Transportation Office (LTO). Habang tumatagal ang problemang ito, lalong lumalala ang backlog sa mga bagong motorsiklong walang plaka.

Maituturing pa ba silang bago habang ang iba sa mga ito ay halos apat o limang taon nang walang plaka?

Ang sanhi ng pagkakaantala sa plaka ng motorsiklo ay ang nakabitin na panukala hinggil sa paglalagay ng LTO license plate sa harapan ng motorsiklo at pagpapalaki ng size nito na ikakabit sa likuran ng naturang sasakyan.

Ang naturang panukala ay inaakda ni Sen. Richard Gordon. Bagamat sang-ayon ang karamihan ng motorcycle organization sa panukalang lakihan ang plaka sa likuran ng motorsiklo na maihahalintulad sa mga plaka sa Europe, pinapalagan ng mga ito ang suhestiyon na lagyan ito ng plaka sa harapan.

Anila, posibleng magdulot ng peligro ang plaka na ilalagay sa harapan ng motorsiklo sakaling kumalas ito sa pagkakabit sa tapalodo.

Mas sinasang-ayunan ng mga motorcycle club ang paglalagay ng sticker kung saan nakasaad ang mga detalye ng LTO plate sa likuran ng motorsiklo. Sa isyu na ito napako ang debate sa naturang plaka.

Habang tumatagal ang pag-usad ng panukala sa Kongreso ay humahaba ang pila ng mga motorsiklong naghihintay sa LTO plates.

Sa kalagitnaan ng naturang isyu, nagpalabas naman ang LTO ng bagong panuntunan na dapat munang magkabit ng ‘virtual plate’ ang mga motorsiklong isasalang sa emission testing. Ang naturang direktiba ang inilabas ng LTO noong Enero 7, 2019. Kumbaga sa pandesal, mainit-init pa ito!

Ang mangyayari dito ay kanya-kanyang istilo, disenyo at tabas sa virtual plate ng mga motorsiklo.

At dahil walang malinaw na panuntunan, mayroon diyang gawa sa yero, plastic at karton.

Mahalaga rin na bitbit ng may-ari ng motorsiklo ang original receipt (OR) at certificate of registration ng kanyang sasakyan bago ito payagang maisalang sa emission testing. Hindi na bago ito.

Ito rin ay senyales na naghihigpit na ang naturang ahensiya sa emission testing procedures dahil sa rami ng anomalya at kurapsiyon na nangyayari sa pagrerehistro ng sasakyan. Hindi na rin bago ito.

Kaya ang payo natin sa ating mga kapatid sa pagmomotorsiklo: Alamin ang mga requirement at sumunod po tayo sa mga panuntunan ng LTO upang hindi tayo pabalik-balik sa pagrerehistro.

Iwasan nating ma-stress dahil mahal ang gamot at pa-ospital sa sakit sa puso!

-Aris Ilagan