WALA nang “lakas” si Daraga Albay Mayor Carlwyn Baldo, principal suspect, sa pagpatay kay Ako Bicol Rep. Rodel Batocabe, matapos siyang ilaglag ng kanyang partido, ang Lakas Christian-Muslim Democrats (Lakas-CMD). Sa liham sa Commission on Elections noong Enero 3, sinabi ni Lakas-CMD executive director CerpinJr., na ipinasiya ng lapian na ipawalang-saysay ang certificate of nomination and acceptance (CONA) na inisyu kay Baldo.

Batay sa mga ulat, lalo pang nadiin si Baldo sa kasong pagpatay kay Batocabe at sa police escort nitong si PO2 Orlando Diaz nang magtugma ang mga basyo ng bala na tumama sa biktima sa baril ng gunman na si Henry Yuson. Batay sa banner story ng BALITA noong Martes “Perfect Match”, Mga Bala sa Batocabe slay, galing sa baril ni Yuson, sinabi ni PNP Director General Oscar Albayalde na mahalaga resulta ng ballistic examinations dahil nagpapatunay ito sa extra-judicial confessions ng mga suspek.

Malaki ang naitulong ng P50 milyong pabuya na alok sa sinumang makapagtuturo o magbibigay ng impormasyon tungo sa ikadarakip ng mga salarin. Lumitaw na hindi tumupad si Baldo na magbayad ng P5 milyon sa pagpatay kay Batocabe kung kaya sumingaw ang katotohanan.

Tungkol sa P50 milyong pabuya, sinabi ni Albayalde na kung may dapat na kumubra sa pabuya tungo sa ikalulutas ng krimen, irerekomenda ng PNP na ibigay ito kay Emmanuel Judavar, isa sa mga suspek, na nagtapat na ang pagpatay kay Batocabe ay noon pang Agosto 2018 binalak matapos ihayag ng biktima na tatakbo siya sa pagka-mayor ng Daraga.

Umatras si Judavar sa planong pagpatay. Sa pangamba umanong yariin siya ng mga kasama dahil sa nalalaman niya tungkol sa plano, inihayag ni Judavar sa mga pulis ang mga nalalaman. Tinukoy niya ang mga kasangkot sa pagpatay kay Batocabe.

oOo

Nanawagan ang Malacañang sa Kongreso na ipasa ang 2019 national budget upang hindi malagay sa panganib ang operasyon at mga programa ng administrasyon. Dapat daw kalimutan ng mga kongresista at senador ang “partisan politics” at ang isipin ay ang kagalingan ng bayan.

Kung totoo ang mga balita na tatlong cabinet secretary ni PRRD ang iniimbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) dahil umano sa iregularidad, bibilib ang taumbayan sa Pangulo na talagang sinsero siya sa pagbaka sa kurapsiyon.

Ayon kay presidential spokesman Salvador Panelo, walang “sacred cows” sa Duterte administration. Wala raw kaibigan, kaalyado, kalaban sa pulitika, kamag-anak, fraternity brother kapag sangkot sa anomalya o kurapsiyon. ‘Di ba ito rin ang “mantra” o laging sinasabi noon ni ex-Pres. Joseph Estrada? Eh, ano ang nangyari?

“Hihintayin natin ang findings (ng PACC). Kapag may ebidensiya, aaksiyunan ito ng Pangulo,” ayon kay Panelo. Ang tinutukoy ng PACC na tatlong opisyal, ayon kay Commissioner Manuelito Luna, ay sina Labor Sec. Silvestre Bello III, ex-Customs commissioner Isidro Lapeña na ngayon ay TESDA chief, at National Commission on Indegenous People (NCIP) chairperson Leonor Oralde-Quintayo.

Tiyak na itatanggi ng tatlo ang mga bintang sa kanila. Kailangan talaga ang masusing imbestigasyon upang magkaroon ng batayan ang ating Pangulo kung anong aksiyon o desisyon ang kanyang gagawin. Samantala, si Budget Sec. Benjamin Diokno ay kasalukuyang nasa “hot water” pa kaugnay naman ng umano’y multi-billion-peso flood control projects ng gobyerno.

-Bert de Guzman