KARAPAT-DAPAT palakpakan si Presidente Rodrigo Duterte sa kanyang naging hakbang na ipasara ang sikat na Boracay Island. Isang pulo na kilalang bakasyunan ng maraming turista sa buong mundo at nating mga Pilipino dahil sa maputing buhangin nito. Dati ko ng binisto sa ilang nakalipas na kolum ang tungkol sa lumalalang polusyon sa baybaying karagatan nito. Paminsan-minsan ay may umaalingasaw na antot mula sa duming-tao dahil sa kakulangan ng poso-negro, mga daluyan ng palikuran na basta na lang sa ilalim ng lupa nakabaon, mga tubong may tagas mula hotel, restoran, bar, kabahayan, at iba pa o sa madaling salita, sa karagatan na dinudura ang lahat ng dumi.
Nagawaran ng pangalawang buhay ang Boracay dahil nakialam ang Malacañang sa mga walang habas na paglabag sa batas at kalikasan ng mga responsable sa pagrumi ng isla. Mahalagang maunawaan na may hangganan ang kapasidad ng isang lugar o pook na bunuin ang dagsa ng turista, sasakyan, basurang nalilikom, duming-tao, usok, at trapik kahit lumobo pa ang kinikitang dolyares nito.
Napapanahon na talaga ang aking panukalang pagpapatayo ng Presidential Urban Planning & Sustainable Development Office. Bukod ito sa dapat na gampanin at pananagutan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Hindi na maaaring basta mag-isang kalungin ang pagpaplano sa naglalakihan at umuusbong na lungsod sa lokal na pamahalaan. Ito ay nagaganap marahil dahil sa rami ng nakalulusot na kurapsyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at ng mga tiwaling negosyante.
Dapat na ring panghimasukan ng Palasyo ang lumalalang estado ng iba’t-ibang lugar tulad sa Baguio City, baybayin sa Palawan, Mactan at Talisay City sa Cebu. Aminin natin, mahina ang mga lokal na pamahalaan pagdating sa “urban planning at sustainable development”. Dapat ding huwag ng ikalong sa pamahalaang lokal ang paggawad ng prangkisa sa mga tricycle, pedicab, at habal-habal (angkas) dahil hindi nga matanganan ang pamumutakte nito, kasi nga, botante nila. Mabuti pang ilipat ang tungkulin sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Payo ko, buhaying muli ang mga ilog, sapa, at isulong ang zoning at land use sa lungsod, lalo na sa mga lugar na dinaragsa ng maramimg mamumuhunan.
-Erik Espina