Pinatawan ng Sandiganbayan ng tig-10 taong pagkakakulong ang limang dating opisyal ng National Housing Authority (NHA) kaugnay ng kanilang pagkakasangkot sa maanomalyang proyekto sa Bacolod City noong 1992.
Sa ruling ng 2nd Division ng anti-graft court, napatunayang nagkasala ang limang akusado sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Kabilang sa mga ito ay sina dating Visayas Management Office Division Manager Josephine Angsico, Manager Virgilio Dacalos, Regional Project Director Felicisimo Lazarte, Jr., Project Management Officer Josephine Espinosa, at Supervising Engineer Noel Lobrido.
Bukod sa pagkakakulong, pinagbawalan na rin sila ng hukuman na magtrabaho sa pamahalaan.
Sa rekord ng kaso, inakusahan ang mga ito na nagsabwatan sa pagbabayad ng P1,280, 964.20 sa Triad Construction and Development Corporation para sa final work accomplishment ng Pahanocoy sites at services project sa nabanggit na lungsod, noong Setyembre 1992.
Ayon sa korte, nagkaroon ng overcharging sa naturang construction project dahil aabot lamang ng P330,075.76 ang dapat na gastos nito.
Ikinatwiran ng mga akusado na kaya lumaki ang gastos dahil sa mga additional work sa proyekto.
"The prosecution's evidence has established conspiracy beyond reasonable doubt. The excuses given by the accused cannot overturn the same. The fact that they executed another Abstract of Physical Accomplishment to justify a larger payment when it was not clearly established that Triad Construction indeed accomplished such additional works or if there was any such additional work to begin with," ayon pa sa korte.
-Czarina Nicole O. Ong