PISTA ng Quiapo, araw ngayon ng makasaysayang “Traslacion” o ang prusisyon na magbabalik sa “Poong Itim na Nazareno”, mula sa Quirino Grandstand sa Luneta Park pabalik sa simbahan sa may Plaza Miranda, na dinarayo ng ‘di mahulugang karayom na mga debotong Katoliko, na galing pa sa iba’t ibang lugar sa bansa, partikular sa Metro Manila.

Ang prusisyong tatahak sa may 6.1 kilometro (6,100 metro) at sasalihan ng mga saradong Katoliko ay inaasahan ng mga organizer nito, na aabot sa bilang na 21 milyon.

“The Philippine National Police (PNP) thru the National Capital Region Police Office (NCRPO) will implement the operational framework of major events security to ensure order, safety and security for the expected 21-MILLION DEVOTEES,” ayon sa Press Release ng PNP.

Ang bilang na ito para sa akin ay isang malaking kahibangan at mahirap paniwalaan, dahil sobrang bloated-- lalo pa’t ang pagbabatayan ay ang wastong pagbilang (scientific computations) gamit ang ilang simpleng “mathematical formula” sa pag-compute, upang makuha ang tamang bilang ng mga taong nagma-martsa sa mga lansangan.

Mantakin ninyo naman, ang populasyon ng buong Metro Manila sa ngayon ay aabot lang sa 13 milyon, samantalang ang estimate naman ng PNP – na ibinatay nila sa sinabi ng mga organizer ng Traslacion -- sa mga debotong daragsa sa Quiapo ay aabutin ng 21 milyon, na mas mataas pa ng pitong milyon sa populasyon ng Metro Manila.

Hindi ko lubos-maisip na ngayong araw ng Miyerkules (Enero 9) – kung totoo ang sinasabing 21 million na estimate ng PNP -- ay mawawalan ng tao sa lahat ng bahay sa Metro Manila para lamang maki-Fiesta sa Quiapo, at ‘yung pitong milyon naman ay manggagaling sa iba’t ibang lugar sa buong bansa. Saan naman kaya sasakay at paano makapapasok sa distrito ng Quiapo ang pitong milyong mga debotong ito?

Matay ko mang isipin, paano makapapasok sa distrito ng Quiapo – na may kabuuang land area lamang na 63,000 square meters -- ang 21 milyong deboto sa loob lamang ng maghapon o kahit magdamag pa? Imposible!

Ang ruta ng prusisyon na mula Luneta hanggang simbahan ay 6.1 kilometro (6,100 meters) ang layo at ang lapad ng kalsada ay 40 meters. Sa simpleng formula na “Total Area = Length x Width” ay lalabas na 244,000 square meters ang buong kahabaan na tatahakin ng prusisyon.

Kung patatayuin natin ang limang tao sa bawat “square meter” – masyadong masikip na ito dahil magbubungguan na ang kanilang mga katawan – mula sa Luneta hanggang sa harapan ng simbahan sa Quiapo, ay makakukuha lamang tayo ng kabuuang bilang na halos 1.3 milyon na deboto, na pawang nakatayo lamang at hindi umuusad patungong simbahan. Malayo ito sa totoong kalagayan ng prusisyon na inaabot ng halos maghapon bago makabalik sa simbahan!

Ang buong Luneta ay 56 hectares o 560,000 square meters, at kung sa bawat square meter ay patatayuin natin ang limang deboto – masyadong masikip na ito dahil wala na silang galawan sa kalagayang ganito -- kung hindi aalis sa kanilang lugar, makakukuha tayo ng halos 3 milyong mga tao lamang.

Eh paano naman ‘yung mga lugar na ‘di puwedeng tayuan ng deboto dahil may mga permanenteng istraktura, gaya ng buong grandstand, mga gusali, fountain, Chinese Garden, Japanese Garden at iba pang mga tindahan sa buong paligid? Kapag ibinawas natin ito sa computation, malamang na wala pang isang milyon ang lumabas sa ating kuwenta.

Sang-ayon ako na totoong laksa-laksang deboto ang darating sa Traslacion, eh bakit nga ba hindi, wala namang sumasalungat sa katotohanang ang sekta ng Katoliko sa bansa ang may pinakamaraming deboto, kahit na pagsama-samahin pa ang kabuuang bilang ng iba pang mga sekta ng relihiyon, ang Katoliko pa rin ang mamamayani kung paramihan ng deboto ang pag-uusapan.

Ngunit ang pinag-uusapan natin dito ay ang totoong bilang ng mga debotong dadagsa sa distrito ng Quiapo upang makipista. Ang Mathematics ay “exact science” – kung ano ang lumabas sa kuwenta, ‘yun ang totoong kuwento.

Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.