TATLONG dekada na naming kilala si Aiko Melendez. Ang namayapang si Douglas Quijano pa noon ang manager niya, at talagang madalas naming nakakatsikahan ang aktres dahil lagi kaming nakakasama sa mga special events ng buhay niya.

Nasubaybayan din namin ang makulay niyang relasyon kina Aga Muhlach, Jomari Yllana at Martin Jickain hanggang sa naging madalang na ang komunikasyon o pagkikita namin dahil naging abala na siya sa pagiging konsehal ng Quezon City sa loob ng siyam na taon.

Ang maganda kay Aiko, maski na ilang beses siyang nadapa pagdating sa pag-ibig ay muli siyang nakakabangon at hinaharap ang pagkakamali. Kaya naman hindi naging mailap sa kanya ang pagkakaroon ng bagong mamahalin, sa katauhan ni Subic Mayor Jay Khonghun, na panalangin ng aktres na sana ay sila na ang forever.

Sa muling pagiging aktibo ni Aiko sa showbiz ay hindi pa rin siya nawalan ng kinang; hindi pa rin nagbago ang galing niya sa pag-arte. Sa katunayan, kapapanalo lang niya nitong Disyembre 27 sa 2018 Metro Manila Film Festival Gabi ng Parangal bilang Best Supporting Actress para sa pelikulang Rainbow’s Sunset ng Heaven’s Best Entertainment.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Sa tagal naming kilala ang aktres ay wala kaming narinig na naging pasaway siya sa mga nakatrabaho niyang artista at production, kahit na sikat na siya.

At higit sa lahat, sa tatlong dekada ay hindi siya nakalimot sa mga pangalan ng bawat reporter na nakilala niya noon hanggang ngayon, kaya naman maraming nagmamahal pa rin kay Aiko.

Masasabing may karapatan ang aktres na magbigay ng payo sa mga baguhang artista ngayon na nalulunod na sa isang basong tubig.

Kaya naman nang mabasa namin ang payo niya sa mga baguhang artista ngayon ay talagang nag-thumbs up kami, dahil saktong-sakto at sana intindihin ito ng mga makakabasa.

“For the Newbies: The more you go up, the more you should be humble. Always keep your feet on the ground. Never allow stardom to eat the best of you.”

Sinabi rin ni Aiko na hindi ang dami ng followers sa social media ang basehan para sabihing “made na” ang isang artista, kung ang pagiging propesyunal sa trabaho.

“Ang basis ng kasikatan ng artista is not only with one hit. Kaya nga me tinatawag na longevity, hanggang sa’n tatagal ang kinang at galing mo?”

Ayan, malinaw ang mensahe ni Aiko sa mga baguhan: “Be humble.”

-Reggee Bonoan