MAKARAAN ang ilang araw na kapansin-pansing paghupa ng trapik sa kahabaan ng Epifanio de los Santos Ave. (EDSA) at sa iba pang pangunahing lansangan ng Metro Manila sa pag-alis ng libu-libong sasakyan pauwi ng mga probinsiya para sa pagdiriwang ng Holidays, muli nang bumabalik ang bigat ng daloy ng trapiko sa pagbabalik ng mga pribadong sasakyan at pagbabalik-eskuwela ng mga estudyante nitong Lunes.

Higit sa nakasanayang pangamba ang inaalala para sa trapiko sa pagitan ng Mandaluyong at Makati dulot nang nakatakdang pagsasara sa Sabado, Enero 12, ng Estrella-Pantaleon Bridge na tumatawid ng Ilog Pasig, sa kanluran ng Guadalupe—EDSA bridge. Isasara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang tulay sa loob ng susunod na 30 buwan habang ginigiba ito at tinatayuan ng bago at mas malaking tulay.

Nasa mahigit 100,000 sasakyan ang gumagamit ng two-lane na Estrella-Pantaleon Bridge kada araw, ayon sa Metro Manila Development Authority. Naisara na ito noong nakaraang Setyembre para sa pagsasaayos ngunit muling binuksan makalipas ang dalawang araw dahil sa panawagan ng publiko dulot ng resulta nitong trapik. Ngayon, ipagpapatuloy na ng pamahalaan ang plano nitong pagsasara at paggiba para bigyang-daan ang pagtatayo ng mas malaking four-lane na tulay. Kakailanganin munang pasanin ng kalapit nitong tulay ng Guadalupe ang dagdag na mga sasakyan bagamat nakatakda rin itong isara para isaayos sa unang bahagi ng 2019.

Naiintindihan natin ang pangangailangan para sa mas marami at mas magagandang tulay sa palibot ng Pasig. Nasa 12 tulay ang itatayo o patitibayin at palalawakin sa ilalim ng “Build, Build, Build” infrastructure program ng administrasyon. Dapat na magplano nang maaga ang mga trapik planner upang mabawasan ang mga problema na maaaring lumutang mula sa pagsasara ng anumang tulay sa Metro Manila.

Para sa Estrella-Pantaleon Bridge, iminumungkahi ng ilang sektor na sa halip na isara ito nang buo, maaari itong manatiling bukas habang itinatayo ang dalawang dagdag na linya gilid nito. O maaaring gamitin ito bilang daanan na lamang ng mga nakabisikleta at mga naglalakad, at ang bagong tulay ay itatayo na lamang sa ibang bahagi ng Ilog Pasig.

Kilala na ang Metro Manila sa matindi nitong trapik. At tunay namang kailangan ang mas maraming kalsada at mga tulay upang matanggap at makaya ang pagtaas ng trapiko sa mga nakalipas na dekada. Ngunit mahalagang maipatupad sa programang ito ng pagtatayo, ang tamang pagpaplano at paghahanda upang matiyak na hindi magdudulot ng malaking problema at dagdag na pasanin ang programa sa publiko.