Magpapatupad ang Manila Electric Company (Meralco ) ng 34 sentimo kada kilowatt hour (kWh) na bawas-singil sa kuryente ngayong Enero.

Ayon kay Joe Zaldarriaga, tagapagsalita ng Meralco, ang bawas-singil ngayong Enero ay bunga ng pagbaba ng generation charge ng 41 sentimo, kaya mula sa P5.33/kWh na generation charge noong Disyembre 2018 ay naging P4.91/kWh na lang ito ngayon.

Ipinaliwanag ni Zaldarriaga na mas malaki pa sana ang ibababa ng singil kung hindi lang tumaas ang singil sa iba pang component ng kuryente, gaya ng transmission charge.

Nabatid na ang naturang bawas-singil ngayong buwan ay katumbas ng P68 bawas sa bayarin ng mga bahay na kumukonsumo ng 200 kWh kada buwan, P102 sa mga nakagagamit ng 300 kWh, P136 sa mga kumukonsumo ng 400 kWh, at P170 sa mga nakakagamit ng 500 kWh kada buwan.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Samantala, sa kabila ng pagbaba ng singil sa kuryente ngayong Enero, pinaalalahanan ni Zaldarriaga ang mga Meralco consumers na magtipid sa kuryente, lalo na dahil inaasahang muling babalik sa normal ang singil sa susunod na buwan, na nangangahulugang mas magiging mataas ito kumpara ngayong Enero.

-Mary Ann Santiago