Naglabas ng ilang safety reminders ang Philippine Red Cross (PRC) para sa mga debotong lalahok sa Traslacion 2019 bukas, Enero 9.
Ayon kay PRC Chairman Senator Richard Gordon, kung lalahok sa Traslacion ay dapat na “physically and mentally prepared” ang deboto, at maayos na ipinaalam sa mga mahal sa buhay na makikiisa sila sa taunang prusisyon.
Hindi hinihikayat na lumahok sa prusisyon ang mga bata, may sakit, at buntis, sinabi ni Gordon na mahalagang ngayon pa lang ay alam na ng deboto ang ruta ng prusisyon, gayundin ang mga first aid stations at presintong malapit.
Kung talagang nais makibahagi sa Traslacion, sinabi ni Gordon na mahalagang may dalang ID, na may medical information, at emergency contact numbers ang deboto, at kung may sakit ay inirerekomendang magbaon ng gamot.
Dahil inaasahan na ang siksikan ng mga deboto sa prusisyon, mas mainam umanong magsuot ng akmang damit at sapin sa paa, at huwag nang magsuot ng alahas at magbitbit ng electronic devices.
Ipinaalala rin ni Gordon na hindi dapat na maglasing kung sasali sa prusisyon, at iwasan ang pagbibitbit ng matutulis na bagay, na maaaring maging sanhi ng aksidente.
Dapat rin aniyang tiyakin ng deboto na busog siya bago lumahok sa prusisyon, at magdala ng candy, biskwit at tubig, lalo na at hindi papayagan ng mga awtoridad ang mga tindero na pumuwesto sa ruta ng Traslacion.
Mas mainam ring magdala ng mga pananggalang laban sa init at ulan, gaya ng sombrero at payong.
Dapat rin aniyang maging alerto sa mga posibleng health hazards sa paligid, gaya ng sasakyan, falling debris, at iba pa.
Dapat rin aniyang magpanatili ng tamang agwat upang makaiwas sa anumang pagkasugat at planuhin ang ligtas na daan palabas sa karamihan ng mga tao, sakaling kailanganin.
Paalala pa ni Gordon, sakaling may mga di kanais-nais na pangyayari na magaganap sa prusisyon, ay hindi dapat na mag-panic, at sa halip ay kaagad na humanap ng ligtas na lugar na mapagkukublihan.
“Know your local emergency numbers in case of emergency. Contact Red Cross hotline 143 or 790-2300,” ani Gordon, at tiniyak na nakakalat ang buong puwersa ng Red Cross sa ruta ng prusisyon hanggang matapos ito ng Huwebes ng umaga.
Nabatid na noong 2018, umabot sa 1,906 na deboto ang natulungan ng PRC mula sa tinamong minor at major injuries, gaya ng nahirapang huminga, nahimatay, nanghina, nakumbulsiyon, nabalian, at iba pa.
-Mary Ann Santiago