Wala nang isang taon ang paghahanda para sa nalalapit na hosting ng bansa sa 2019 Southeast Asian Games na magaganap sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 10, na magkakaroon ng apat na venues, ang Manila, Subic, Bulacan at ang New Clark City sa Pampanga.
At dahil dito ay puspusan na nga ang pagpapagawa sa nasabing premyadong venue ng biennial meet sa Pampanga pati na ang Athletes Village nito na siyang titirhan ng mga atleta buhat sa mga bansang bibisita dito para sa nasabing kompoetisyon.
Agosto 2019 ang target na petsa kung saan sinasabing matatapos ang kontruksyon ng naturang venue kasama na ang pagpapagawa sa Rizal Memorial Sports Complex.
Ito ang kauna-unahang tinagurian na smart, green at resilient metropolis na siyudad sa bansa, na siyang magiging sports hub para sa pagsasagawa ng biennial meet.
Ayon kay Vince Dizon, presidente ng Bases Conversion and Development Authority, kampante umano sila gayung kasama nilang gumagawa para sa nasabing kontruksyon ang mga world class planners na buhat sa Japan at Singapore.
Kabilang sa itinatayo sa New Clark City ay ang athletic stadium na may 400meters 9 lane standard track at may 20,000 seating capacity at aprubado ng International Association of Athletics Federation, gayung pumasa ito sa global standards.
Samantala, ang Athlete’s Village naman ay may kabuuang 2,100 na tulugan, upang mabigyan ng matutuluyan ang lahat ng dadayo sa bansa para sa kompetisyon.
Bukod pa rito ay inihahanda na rin ang 2,000 seating capacity na Aquatic Center kung saan may 8 lane training pool at maylimang metrong lalim na diving pool.
Mismong lahar, buhangin at semento ang sama samang ginamit upang mabuo ang ansabing imprastraktura na may desenyong sinunod sa bunganga ng bulkang Pinatubo at kasalukuyang nasa 35% na ang natatapos bago tuluyang mabuo. Annie Abad