Lalo pang nadiin si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo nang magtugma ang mga narekober na basyo ng bala sa pinagyarihan ng pagpatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at sa police escort nito noong Disyembre 22, sa baril na nakapangalan sa umanong main gunman, na kinilala ng mga awtoridad bilang ang confidential security ng alkalde.

Ipinaliwanag ni Director General Oscar Albayalde, hepe ng Philippine National Police (PNP), na mahalaga ang resulta ng ballistic examination dahil ito ang magpapatunay sa extra-judicial confessions ng anim na naarestong suspek, partikular ng main gunman na si Henry Yuson.

“One development that will further boost our case is that the licensed firearm of Yuzon matched with the 11 spent shells recovered,” sabi ni Albayalde sa press briefing sa Camp Crame.

Pawang inamin ng anim na suspek ang kani-kanilang partisipasyon sa pagpatay kay Batocabe, at itinuro si Mayor Baldo bilang mastermind, na umano’y nag-alok sa kanila ng P5 milyon para sa ipatumba ang kongresista.

National

Eastern Samar, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

Ipinagtapat ni Emmanuel Judavar na pinlano ang pagpatay kay Batocabe noong Agosto 2018 makaraang magdeklara ang huli na kakandidatong alkalde ng Daraga ngayong taon. Sa huli, umatras si Judavar sa trabaho.

Sa takot na puntiryahin dahil sa nalalaman sa planong pagpatay kay Batocabe, isiniwalat ni Judavar sa mga pulis ang kanyang nalalaman at kalaunan ay pinangalanan ang anim na suspek sa krimen.

LALONG NADIIN

Ang pag-amin ng anim na suspek sa pagpatay, kabilang si Yuson na nagsabing naisahan sila ni Mayor Baldo dahil hindi ito nagbayad ng P5 milyon, ay sapat na ebidensiya upang idiin ang Daraga mayor, ayon kay Albayalde.

Ngunit ang ballistic examination results, aniya, ang mas nagpatibay sa mga ebidensiya.

Base sa ballistic examination results, may dalawang baril na ginamit sa pagpatay kina Batocabe at SPO2 Orlando Diaz— isang .40 caliber pistol at isang .45 caliber pistol.

Una nang sinabi ni Yuson na ginamit niya ang kanyang .40 caliber pistol sa pamamaslang. Ang isa pang armas ay pinaniniwalaang ginamit ng back-up gunman, si Rolando Arimado.

“We will submit these findings to the court. We certainly have an airtight case against the Mayor and the rest of the suspects,” pahayag ni Albayalde.

KANINO ANG P50-M PABUYA?

Samantalang, inihayag din kahapon ni Albayalde na kung mayroon mang karapat-dapat na kumubra ng P50 milyon pabuya sa pagkakaresolba sa pagpatay kay Batocabe ay irerekomenda ng PNP na ibigay ito kay Judavar.

“If they would ask for recommendation, of course it is the witness (Judavar),” ani Albayalde.

Sinabi ni Albayalde na si Judavar ang nagbigay sa PNP ng pinakamaraming impormasyon na naging susi sa paglutas nila sa krimen.

-AARON B. RECUENCO