“LAGI namang ginagawa ito ng Pangulo, kahit noong panahon ng kampanya, at ito ay epektbo sa kanyang tagapakinig. Ang mensahe ay maliwanag. Hindi ako naniniwala na titigilan niya ito dahil nakikita niya itong epektibo at naiintindihan niya. Hindi hihingi ng paumanhin ang Pangulo sa istilo niyang paggamit ng malabis na pananalita upang gawing maliwanag ang punto kahit may mga nakaririnig na bata,” ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo nitong nakaraang Huwebes sa pagpapatuloy niya sa pagdepensa kay Pangulong Duterte. Kasi, naikuwento ng Pangulo sa kanyang publikong pahayag ang ikinumpisal niya sa pari na pangmomolestiya niya sa kanilang katulong noong siya ay nasa high school. Noong una, aniya, ay hinipo ko ang kanyang ari at nang balikan ko siya, ipinasok ko naman dito ang aking daliri. Umani ng batikos ang sinabing ito ng Pangulo.
Kathang isip lang ang istoryang ito, ayon kay Panelo. Ikinwento lang niya ito sa pari na minolestiya siya noong siya ay nangungumpisal upang gawing makulay ang pagkukunwari o hypocrisy ng nasabing pari. Ipinakita lang daw ng Pangulo ang kahalayan ng pari. Kailangan pa ba siyang gumawa ng istoryang salat sa katotohanan para lang maibunyag ang sinasabi niyang kasalanan ng pari? Eh matagal na nga niyang inaatake ang mga pari at Simbahan. Tinawag pa nga niyang “stupid” ang Diyos ng mga ito. Ang kuwento ng Pangulo, ayon kay Panelo ay hindi mahalay. Iyong mga nakikinig ay nagtawanan pa. Kung mahalay, aniya, ang sinabi ng Pangulo, nagalit sana ang mga tagapakinig. Kung ito ang inasahan ni Panelo na naging reaksyon ng mga tagapakinig, ipinagpalagay niya na bastos din ang mga ito. Eh, Pangulo ang nagsasalita, magagawa ba nilang magalit para ipakita dito na nabastusan sila sa kanyang sinabi? Isa pa, kung may nagtawanan man, hindi mo ako mapapaniwala na kasama rito ang mga babae. Walang babaeng matino na matatawa sa ginawa ng Pangulo sa kanilang kapwa. Pinalabas kasi niya na napakababa na nga ng kalagayan ng kasambahay ay ginawan pa niya ng hindi maganda. Labis na pang-aapi na ito.
Kaya, ang ginawa ng Pangulo ay napakalaking problema ng bansa at mamamayang pinamumunuan niya. Ipinakita niya ang uri ng kanyang pagkatao. Bukod sa masama sa panlasa ang kanyang ginawa, matapang pa niya itong ikinikuwento sa publiko ito.
Mabigat ang epekto nito sa pagpapatakbo ng gobyerno at pagpapairal niya ng mga polisiyang pumapatay ng mamamayan. Sa pagpapatuad niya ng kanyang war on drugs, iniatas niya sa nagpapairal nito na pumatay kapag nanlaban ang kanilang dinarakip. Iniutos niya rin sa mga sundalo na puksain ang bawat makita nilang NPA at kaalyado nila. Hindi tuloy maiwasang maitanong, nasa katinuan ng isip kaya ang nagpapagawa nito?
-Ric Valmonte