Patuloy ang pagtaas ng presyo ng isda sa mga pamilihan sa Northern Metro area, dahil sa malamig na panahon na dulot ng hanging amihan.
Aabot sa P50 hanggang P100 ang itinaas sa presyo ng mga isdang dagat simula pa noong Disyembre.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resourcess (BFAR), naglalagi ang mga isdang dagat sa malalim na bahagi ng karagatan dahil sa lamig ng panahon, kaya madalang ang huli.
Kabilang sa mga isdang mataas ang presyo ngayon ay ang Talakitok, na aabot sa P400 kada kilo, mula sa dating P300, samantalang ang galunggong ay P250 per kilo na mula sa dating P180.
Ang alumahan, na noon ay P200 ang kilo ay P280 na, habang ang dating P270 per kilo na yellow fin tuna ay nasa P350 na ngayon ang kada kilo.
Kaya naman mas pinipili ngayon ng mga mamimili ang karne ng baboy, na nasa P210 ang kilo, at ang manok, na P160 ang bawat kilo.
Tanging ang bangus at tilapia ang hindi gumalaw ang presyo, na nasa P160 at P120 kada kilo pa rin, ayon sa pagkakasunod.
Inaasahan na sa kalagitnaan ng Pebrero ay manunumbalik na ang mababang presyo ng mga produktong dagat, dahil malapit na ang tag-init.
-Orly L. Barcala