ANG Value-Added Tax (VAT) ang isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng kita ng pambansang gobyerno. Ang 12 porsiyentong buwis ay kinokolekta sa mga ibinebenta at pinauupahang mga produkto o ari-arian, sa mga inaangkat, sa serbisyo, at iba pa. Marami ang nalilibre sa buwis na ito, kabilang ang benta o pag-aangkat ng mga produktong agrikultura katulad ng livestock para sa pagpaparami ng mga alagang hayop, bigas at mais, binhi at pataba, serbisyo sa mga ospital maliban sa propesyunal na serbisyo, serbisyong pang-edukasyon, pagbebenta ng mga aklat at pahayagan, serbisyo sa bangko at pag-aangkat ng langis.
Maraming eksemsiyon ang ipinagtibay ng Kongreso sa mga nakalipas na taon, lalo na para sa mga senior citizens and persons with disabilities. Nitong nakaraang taon, higit na napagtibay ang sistema ng VAT sa pamamagitan ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act (TRAIN).
Hindi isinama ng TRAIN ang resetang gamot para sa diabetes, hypertension, at mataas na cholesterol para sa pagbabayad ng 12% VAT, mula Enero 1, 2019. Kaya naman pinaalalahanan ni Secretary of Health Francisco Duque III ang mga pharmacy na ibigay ang diskuwentong ito sa mga pasyente na may ganitong karamdaman dahil sa bagong VAT exemption.
Nitong nakaraang linggo, nanawagan si Ilocos Norte Gov. Imme Marcos ng eksemsiyon sa VAT para sa lahat ng mga gamot, hindi lamang a diabetes, hypertension at mataas na cholesterol, upang mas maging abot-kaya ang serbisyong pangkalusuagn sa lahat ng mga Pilipino, hindi lamang sa mga senior citizen, at may mga kapansanan. Kinakailangan natin irebisa ang Cheaper Medicine Act upang maging mas kaya ito ng mga tao katulad ng orihinal na intensyon, aniya, at ang pagkalibre mula sa VAT para sa lahat ng mga gamot ang makatutulong upang makamit ang tunguhing ito.
Tinanggal ng TRAIN ang 54 mula sa 61 espesyal na batas na nagbibigay ng eksemsiyon mula sa VAT upang mas maging patas ang sistema. Maaaring may iba pang sektor ng bansa—ang mahihirap at may mababang kitang Pilipino at ang mga maliliit na negosyante—na nangangailangan ng tulong sa pamamagitan ng VAT exemption.
Ngayong bagong taon, muling pagtitibayin ng Kongreso ang mga pangunahing bagay na magbibigay ng malaking pondo para sa pagpapaunlad ng bansa bilang kabuuan. Dapat na ituon ang ilang atensiyon nito sa ibang mga salik na magbibigay ng benepisyo sa mahihirap na ordinaryong Pilipino, lalo na sa mga nangangailangan ng mas murang gamot para sa kanilang kalusugan.