Matapos na mabigo na makuha ang world title sa kanyang unang pagtatangka, noong nakaraang taon, handa na muli si Aston "Mighty" Palicte na sumabak sa boksing upang makuha ang mailap na world title.
Haharap si palicte sa undefeated Mexican boxer na si Jose Martinez sa San Diego California ngayong darating na Enero 31 na siyang magiging eliminator bout ng WBO Super Flyweight World Championship title.
Bilang paghahanda ng 27-anyos na si Palicte, ay nagsasanay siya ngayon sa Estados Unidos kasama ang kanyang pamilya upang pahandaan ang laban sa katapusan ng buwan.
"Ngayon, sabi ko kailangan ko pag-handaan yung mga mali ko dati, yung mga kulang ko dati, kailangan ko nang baguhin, kaya pumunta ako ng maaga, kahit dito na ako mag- Christmas, mag-New Year, wala na muna," ayon sa pride ng Bago City Negros na si Palicte.
Masaya umano si Palicte na nauunawaan ng kanyang pamilya ang kanyang trabaho bilang boxer at siunusuportahan ang kanyang propesyon.
"Masaya ako doon kasi, kahit wala ako sa pamilya ko, nakakausap ko lang sila, unang-una doon, masaya ako sa asawa ko kasi supportive talaga yung asawa ko, kahit dati,” ayon pa sa kanya.
Bagama’t malayo sa pamilya ay sisikapin pa rin ni Palicte na pagiigihan ang kanyang ensayo upang makuha ang world title na kanyang inaasam.
Kasalukuyang nag eensayo si palicte kasama ni manny Pacquiao sa Estados Unidos na sasabak naman kontra kay Adrien Boner sa Enero 22 para sa WBA Welterweight World.
-Annie Abad