NATAPOS o nagwakas na ang pagdiriwang ng Christmas season o Kapaskuhan kahapon -- ika-6 ng Enero na pagdiriwang naman ng kapistahan ng Tatlong Hari o Three Kings. Ayon sa Bibliya, ang Tatlong Marunong (wisemen) hindi mga hari tulad ng nakaugalian at nakasanayang tawag sa kanila, ay dumalaw sa Banal na Sanggol na isinilang sa isang sabsaban sa Bethlehem. Ang pagdalaw ng Tatlong Hari sa Banal na Sanggol ay ginabayan ng isang tala o bituin (star of Bethlehem). Nalaman nila ang lugar na pinagsilangan ng Banal na Sanggol dahi dito. Sinamba nila Sanggol at inialay ang kanilang handog o aguinaldo na ginto, mira at insenso. Ang pag-aalay ng Tatlong Hari sa Banal na Sanggol ay hindi nila inasahang may kapalit.
Ang pagbibigay ng aguinaldo ng Tatlong Hari sa Banal na Sanggol ang naging batayan ng pagbibigayan ng regalo sa panahon ng Kapaskuhan. Ang gawing ito ay inialay nila sa diwa ng kababaang-loob, pag-ibig at pagsamba at kailan man ay hindi nila ipinaghintay ng kabayaran o kapalit. Ang pagdiriwang na ito ay kasabay ng pagdiriwang ng pista sa Gapan, Nueva Ecija at Mabitac, Laguna. Tampok sa Mabitac, Laguna ang paghahagis ng perang barya at papel mula sa balkonahe ng munisipyo. Ang naghahagis ng pera ay ang mayor at mga miyembro ng Sangguniang Bayan.
Ito ay hudyat ng pagtatapos ng pagdiriwang ng panahon ng Christmas season o kapaskuhan. Ang Christmas season ay nag-iiwan ng iba’t ibang alaala at gunita sa ating mga kababayan. Nasa Pilipinas man sila o nasa ibang bansa, sa mga Pilipino, ang Christmas season ang pinakamasaya at pinakamakulay na pagdiriwang. Isang natatanging panahon kung saan ipinakikita ng mga Pilipino ang kanilang kabaitan at kagandahang-loob sa iba nating mga kababayan, lalo na sa mga mahirap, kapuspalad, busabos at mga anak ng dalita.
Iba’t ibang alaala at gunita ang iniwan ng nakaraang Pasko. Masaya. Malungkot. Matamis. Mapait. At may hatid na kirot sa puso at kalooban lalo na para sa mga kababayan nating malayo sa mga minamahal sa buhay.
Dahil din tapos na ang Christmas season, lahat ng mga palamuting pamasko sa mga tahanan, sa mga malalaking business establishment, mga pampubliko at pribadong tanggapan ng pamahalaan ay tinatanggal na at itinatabi.
Sa parokya ni Saint Clement sa Angono, Rizal, ang tatlong malaking estrelya na nakasabit sa loob ng simbahan sa tapat ng altar at Belen at ang 16 na maliliit na parol ay inaalis na. Ang mga ito ang tampok na tanawin sa loob ng simbahan mula ika-16 ng Disyembre hanggang sa pagdiriwang ng kapistahan ng Tatlong Hari.
Ang pagtatapos ng Kapaskuhan ay nag-iiwan ng iba’t ibang makulay at makahulugang alaala at gunita sa puso ng ating mga kababayan na may matibay na pananalig sa Banal na Sanggol na isinilang sa Bethlehem, ang pangakong alay sa sangkatauhan ng Diyos Ama na tutubos sa sala ng sangkatauhan.
-Clemen Bautista