BIGLANG nagpatawag si Kris Aquino ng presscon nitong Sabado, kasama ang mga abogado niyang sina Attorney Philip Sigrid A. Fortun, Attorney Nilo T. Divina at legal team sa Divina Law Office para sagutin ang mga paratang ni Nicko Falcis, dating managing director at financial adviser ng KCA Productions, na inilabas nito sa social media at online website.
Mahaba ang laman ng counter-affidavit ni Nicko, ikinuwento niya ang simula ng pagkakakilala nila ni Kris at kung ano ang mga trabaho niya sa KCAP, pati na rin ang paggamit niya ng credit card na naging mitsa para sampahan siya ng kaso ng kanyang dating lady boss.
Pero ang pinakainteresante para sa mga nakabasa base na rin sa mga feedback, ay ang narinig naming may komisyon na sinasabi ni Nicko na hindi pa niya nakukolekta kay Kris na pinalalabas nitong utang sa kanya ni Kris.
Kitang-kita naman sa ipinost na live feed a Instagram, Facebook, Twitter at YouTube ang reaksiyon ni Kris na napaismid nang marinig ang halagang siyam na milyones.
“Ako? May utang ako?” sambit ng CEO at Presidente ng KCAP.
Kuwento ni Atty. Fortun, nakikipag-ugnayan na sila sa kampo ni Nicko na at that time ay nasa Bangkok, Thailand at wala naman daw itong nabanggit na may dapat siyang i-claim.
“Noon pa lang dapat umpisa sinabi na niya ‘yan. Nu’ng una naming nakausap ang kanyang abogado at ang kanyang kapatid na babae, do’n na sana ay sinabi na kaagad nila, ‘Uy, si Ms. Kris Aquino may utang sa kapatid ko na P9M’.
“E, wala pa namang kaso noong panahon na ‘yun, September 27. At walang nag-pressure sa kanila na hindi magsalita. Sa halip, ang ginawa nila, ‘yun ang tinatawag ng mga abogado na delaying tactics.
“Ninety days ang kanyang nakuha at nu’ng napagsarhan na siya, kasi lahat ng imbestigasyon ng kaso ay sarado na, all of a sudden lumabas na siya from his hibernation, from his being in hiding. Dapat ay inihain na niya (Nicko) noon pa kung totoong wala siyang kasalanan,” paliwanag ni Atty. Fortun.
Napag-usapan din sa nasabing online live session ni Kris ang claim ni Nicko na pinagbantaan ang buhay niya.
“Kung mayroong threat sa ‘yo, ang gagawin mo lang ay mag-i-execute ka ng affidavit, sasabihin mo kung sino ‘yung nananakot sa ‘yo at ipa-blotter mo. Dalhin mo lang sa closest police station,” saad ni Atty. Fortun.
Dagdag pa ng lawyer ni Kris, “Kung ikaw ay naniniwala na meron ka talagang katibayan at kaya mong depensahan itong mga sumbong laban sa ‘yo, eh, napakadali naman sigurong sumagot, ‘di ba?
“Pero kung ika’y nagtatago sa Thailand at may dahilan ka kung bakit nagtatago, at ayaw mong sumagot at ang ginagawa mo lamang ayon sa ‘yong abogado ay gumawa lamang ng dahilan para hindi ka makadating at ngayong napagsarahan na sila ng investigation, nilalabas nila hindi sa husgado at sa prosecutor’s office kung hindi sa social media.”
THE REVELATION
Sa live feed ay naikuwento ni Kris na kinausap at pinayuhan siya ng mga kapatid niya, “My sisters talk to me over and over again. They said, ‘You can earn that money back Krisy. Please release the anger because what we want is for our sister to be healthy. That’s all we want.’
“And ang sinabi nila sa akin is that, ‘He did something good in your life, kung mayroon man kayong hindi napagkasunduan, kung good fate ang pinapakita, then let’s just settle this because we want our sister alive.’
“And nagamit ‘yung magic word, eh. Nasabihan ako na, ‘Can you please just think of Josh and Bimb.’ Matigas ang ulo ko pero nakikinig ako basta para sa mga anak ko,” pahayag pa ni Kris.
Nabanggit din ng Queen of All Media na pinuntahan niya ang paborito niyang simbahan sa Japan para maglabas ng hinaing at humiling.
“Sa umpisa, galit ako talaga. Pero kasi I promised, there’s this church I really love in Japan at iniwan ko do’n talaga lahat, I promised talaga.
“Sabi ko, nu’ng nagdasal ako talaga, I said do’n sa mass na, I just want to be alive until my son turns 18 (Bimby) and I forgive. I can move on and all the lies that they spread about me, kaya kong burahin. All I ask for, please God, ibigay mo lang sa akin talaga na abutan kong 18 years old,” nagpipigil ng luhang kuwento niya.
“Hindi ako humihingi ng awa sa inyo, because God has been really good to me. Every single dream I had from the time I was two years old, ibinigay Niya.
“Pero nanay ako, e, I just want to be alive for the two (Josh at Bimby). I even said kunin na lahat ito, ibigay lang ako sa kanila. “At ‘yun siguro ang hindi maintindihan ni Nicko. Alam kong may masasakit akong nasabi sa kanya, pero sobrang sakit na alam mo hindi ka sigurado ilang araw, ilang taon, kung ilang buwan ang ibibigay sa ‘yo na magiging nanay ka pa.
“You can hate me for everything, but those two boys love me unconditionally and I would do everything just to reassure them na lahat gagawin ni Kris Aquino para si Josh at si Bimby, may nanay.” Sa bahaging ito nabanggit ng mga abogado na may mga nagaganap na pag-uusap (kampo ni Nicko) na para iatras ang kaso.
“Ang gusto nila (Nicko’s camp) bago makipag-usap, i-drop na muna all the cases. Never na kami ang nakikiusap. Sa lahat ng pakikipag-meeting namin, sila ‘yung nakikipag-areglo.
“In fact, sila ‘yung nag-o-offer na ibabalik ‘yung mga nakuha, humihingi pa nga ng panahon, amortization, huhulugan. Ibang-iba ‘yung nilalabas nila sa media na inosente sila sa totoong ginagawa nila kapag kaharap kami na nakikipag-areglo.
“Mukha ring tina-timing-an nila ang lahat ng labas ng ito para magka-stress si Kris, dahil alam nila na may sakit, at ‘yung timing ay talagang malisyoso dahil kritikal ngayon si Kris,” pagtatapat ni Atty. Fortun.
Sa pagkakataong ito ay nasabi ni Kris na hindi siya galit kay Nicko.
“Hindi na ako galit sa ‘yo, Nicko, pero harapin mo naman lahat ng kaso mo. ‘Yun lang. I did not lie. I don’t want to die being accused as a liar.
“And I’ll forgive. I can move on and all the lies they spread about me, kaya kong burahin.
“All I ask for, please, God, bigay mo lang sa ‘kin talaga na abutan kong 18 years old ang anak ko.
“Alam ko na, e na maririnig ko na, ‘Artista ‘yan kaya ganyan. Can I just get it out of my chest?,” kuwento ni Kris.
At dito inamin ni Kris ang mga dahilan kung bakit kinailangan niyang muling lumipad pa-Singapore kagabi at dalawang linggo siyang wala sa bansa.
“I’m leaving tomorrow (January 6). We will be gone for 14 days.
“I just want seven years. I don’t know if that’s asking for too much, but I just want that boy upstairs to be 18 para adult na siya,” halatang pinipigilan ni Kris na tumulo ang luha niya dahil nangako siya sa bunsong anak na hindi siya iiyak.
At ipinagtapat na ni Kris ang tungkol sa kalusugan niya na makakaapekto sa mga produktong iniendorso niya at tanggap niya ang lahat ng consequences.
“We had been so careful about what would be revealed. Maraming mga warrants po iyan kasi guaranteed ‘yung mga kontrata ng mga endorsements.
“Isa du’n sa mga warrant na ‘yun is a health warrant. I did not lie because at that time those contracts were signed, I did not know the extent of what I have. This is the truth,” pahayag ni Kris.
FATAL ALLERGIC REACTION
Nalaman lahat ni Kris ang sakit niya nang lumipad siya patungong Singapore noong September 27, 2018 para magpatingin sa allergy specialist, rheumatoid specialist, and immunologist. Nalamang may sakit si Kris na isang uri ng lupus, chronic spontaneous urticaria, na isang skin condition na nagdudulot ng matinding allergy.
“What saved me in Singapore was my kidney function was still okay. I’m allergic to every single medicine that can cure you or at least manage your symptoms kung may lupus ka.
“All my doctors are doing now is delaying it, they’re delaying the inevitable and until now, ‘yung mga kapatid ko, hindi matanggap.
“Pinakiusapan ko lang sila, ‘Please don’t make it harder for me because the boys have to be assured na come what may, mayroon silang matatakbuhan.’ Alam n’yo ‘yun, e. I’m an imperfect person but I tried to be the best mom I can be.”
Isa pang nadiskubreng sakit ni Kris ay ang fibromyalgia na ibig sabihin ay long-term condition na nagdudulot ng sakit sa buong katawan.
“Those were the days na hindi (ako) nakakatayo ng tatlo, apat na araw. I would like to thank the people around here because of the absolute loyalty they have shown, because they knew about those days. But we kept it quiet because gusto ko pang mag-ipon para sa mga anak ko.” At para ito sa panganay niyang anak na si Josh dahil, “(he is a) special child and he needs that for the rest of his life. Nakakahiya na ang dalawang bata minsan kulang na lang buhatin nila ang nanay nila para makatayo, para pumunta sa banyo.”
Kaya kahit risky ang pag-aming ito ni Kris tungkol sa kalusugan niya na dahilan ng pagkawala ng mga kontrata niya ay okay lang basta’t proud ang mga anak niya.
Katwiran niya, “sobrang laking risk ang ginawa ko ngayon na umamin sa mga sakit kung anong mayroon ako, dahil may limang kontrata na ready na for a signature and they can all back out.
“But I have to do this. I’m doing this because it’s not the money. It’s my credibility, and I want my sons to be able to say they were proud of their mother.”
Samantala, sa unang pagkakataon ay tinuldukan na rin ni Kris ang sinasabing tatakbo siya sa pulitika sa 2022 na posibleng mangyari dahil nga sa mga sakit na nararamdaman niya.
“Unfortunately, ‘yung inisip na career sa 2022 na sabi ko, ‘Yun ata ang panahon para mag-public service.’ I’m allergic to everything in the environment. Bawal sa akin ang puno.
“Weird po. Lumabas po lahat ‘yan sa Singapore, ganu’n ka-thorough. Bawal sa akin ang anything above 33 degrees Celsius, kailangan po umalis na. The dry weather and the pollen will make that urticaria come out.
“Ang sasabihin, ‘Ang arte naman, rashes lang.’ Hindi po. Naninikip po ang lalamunan. Ang ibig sabihin nun, hindi na nakakahinga, so I am one fatal allergic reaction away from anaphylactic shock. Nagalit po talaga ako. Kasi ang pakiramdam ko, kukunin ako sa mga anak ko.”
-REGGEE BONOAN