WALA akong duda na malaki ang papel ng P50 milyon na reward sa mabilis na paglutang ng anim sa mga suspek na pumatay kina Ako Bicol Partylist Rep Rodel Batocabe at security escort niyang si SPO2 Orlando Diaz, lalo pa nga’t nagka-onsehan pa umano sa P5 milyon na ipinangakong ibabayad sa kanila upang gawin ang pagpatay.
Halos 12 araw pa lamang matapos tambangan ang dalawa sa Barangay Burgos, Daraga, Albay noong Disyembre 22, 2018 ay magkakasunod na sumuko agad ang mga pangunahing suspek sa pagpatay kay Rep Batocabe at SPO2 Diaz, matapos na ianunsiyo ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na itataas niya sa P50 milyon ang reward sa Batocabe – Diaz double murder case.
Ngunit sa pagkakaalam ko, ang mga matitinik na imbestigador – gaya ng mga na-cover ko noong mga nakaraang dekada na lumutas sa malalaking kaso ng pagpatay na hinawakan ng Philippine National Police (PNP) -- ay tinitingnan lamang ang mga sinumpaang salaysay ng mga sumukong suspek bilang gabay nila sa mas malalim na pag-iimbestiga upang makakuha ng mga physical evidence na magpapabigat sa kasong ini-imbestigahan.
Maingat sila sa pagpapaniwala sa “kuwento” ng sumukong suspek, lalo pa’t ang naka-impluwensiya sa pagsuko nito ay ang malaking reward na nakapatong dito. Ngunit buong tiyaga naman na pinag-aaralan ng mga imbestigador ang affidavit nito, upang makakuha ng iba pang material o physical evidence na mas magdidiin sa “utak” sa krimen.
Kadalasan ay nakikipag-coordinate sila sa mga imbestigador – mga miyembro ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) – na naunang naka-responde sa pinangyarihan ng krimen, upang pag-aralan ang mga ebidensiyang nakalap sa lugar. Maaari kasing may mga physical evidence roon -- gaya ng mga fingerprints, bakas ng sapatos, basyo o tingga ng bala ng baril, skid mark ng getaway vehicle at iba pang bagay na mapupulot sa lugar – na nakuha ng SOCO na maaaring maidugtong naman sa affidavit ng umaming suspek.
Kailangan ito sakaling biglang magbago ang isip ng testigo, at bumaligtad sa kanyang sinumpaang salaysay, gaya ng madalas mangyari sa mga inaapurang malutas na malalaking krimen.
Matiyaga at hindi nagmamadali ang mga imbestigador noon para masunod lamang ang kapritso ng kanilang boss na humarap at magpa-press release, para bang pang-dagdag pogi points o kaya naman ay ‘di makaya ang pressure ng mga makukulit na media na naghahanap ng update araw-araw.
Sa Batocabe – Diaz double murder case ay medyo nagulat ako sa mabilis na pagpa-file ng kaso laban sa mga suspek. Kasama na agad dito si Daraga Mayor Carlwyn Baldo na itinurong “mastermind” base lamang sa affidavit ng mga naunang “testigo” na aminadong kasama sa pagpaplano.
Mawawala ang pag-aalala ko na “mahina” ang kaso kung ang mga sumukong testigo ay nagsuko ng mga baril, na napatunayan naman sa “Ballistic Examination” na siyang pinanggalingan ng mga bala na nakuha ng mga SOCO sa scene of the crime, at sa mismong katawan nina Batocabe, Diaz at anim pang sibilyan na nahagip ng ligaw na bala noong magkaputukan.
Sa ipinalabas na “Link Diagram & Analysis” ng PNP, ang nakita kong magpapabigat sa kaso laban kay Mayor Baldo, ay ang pagsuko ng dalawa niyang tauhan na itinuturong siya ang “mastermind”.
Si Henry Yuson ay nagsuko ng cal. 40 na baril at si Rolando Arimado ay isang cal. 45 pistol naman. Kapag ang mga baril nila ay lumabas na positibo sa “Ballistic Examination” sa PNP Crime Laboratory – siguradong “kahon” sa kaso si Mayor Baldo, ngunit mayroon na nga ba?
Dahil sa ang anim na suspek ay “sumuko” – hindi sila naaaresto sa malawakang operasyon -- kanino dapat mapunta ang tumataginting na reward na P50 milyon na ipinangako sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon upang masampahan ng kaso ang mga suspek sa pagpatay, lalo na ang utak sa krimeng ito?
Parang ‘di ko matatanggap na ang makakukuha ng reward ay ang kamag-anak ng mga suspek na nagsuko sa mga ito, dahil sa kuwentong “nagka-onsehan sa milyones na ibabayad sa kanila.”
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.