INAASAHANG malaki ang maitutulong ng bagong bagsakan center o post-harvest trading facility sa mga magsasaka ng Laguna upang mas mabenta ang kanilang mga aning produkto at sa paghahanap ng bagong merkado, na magreresulta sa mas malaking kita para sa kanila.

Sinabi nitong Biyernes ng Laguna provincial agriculturist na si Marlon P. Tobias na ang bagong Laguna Agricultural Trading Center (LATC), o mas kilala bilang “bagsakan center” sa Barangay Lamot II, ay para sa mga magsasaka na karamihan ay mula sa ikatlo at ikaapat na distrito ng probinsiya.

“Layuning mabigyan ng lugar ang mga magsasaka na magkaroon ng isang angkop na pasilidad kung saan maayos nilang maipagbibili ang kanilang ani sa tamang halaga, na siyang pinupuntahan ng mga negosyanteng siya namang namamahagi sa mga pamilihan,” pahayag ng Office of Provincial Agriculturist (OPA).

Pinangangasiwaan ng OPA-LATC ang trading center upang matulungan ang mga magsasaka na mapataas ang kanilang kita at mapasigla ang kanilang kabuhayan, gayundin ang pagsusulong ng agri-business sa mga agrikultural na lugar sa Laguna.

Night Owl

Marupok ang demokrasya—ngunit nasa mamamayan ang tunay na lakas nito

Makatutulong din ang bagong bagsakan upang hindi malugi ang mga magsasaka, na dulot ng pagkabulok ng malaking bahagi ng kanilang ani dahil sa oversupply, tulad ng nangyari noong nakaraang taon nang tone-toneladang kamatis sa bayan ng Kalayaan ang nabulok.

Ginagamit din umanong training venue ang lugar upang turuan ang mga magsasaka ng mga bagong agricultural at farming techniques sa paghahalaman, organic farming, pagpoproseso ng mga gulay at prutas, at pagpaparami ng mga ornamental plants at paghahanda ng mga binhi, at mga materyales na kailangan para sa pagpapalaki ng mga puno.

Inilarawan naman ni Laguna 3rd District Provincial Board Member Alejandro Yu ang pagbubukas ng bagsakan bilang “providing more opportunities for farmers and agricultural workers to have a centralized venue for an effective system to market and trade agricultural products and farm harvests.”

Aniya, mapapalakas nito ang kabuhayan ng mga magsasaka, gayundin ay mapapasigla ang supply ng mga produktong agrikultural sa mga pamilihan, habang mas nagiging competitive ang mga produkto, hindi lang sa Laguna, kundi maging sa mga pangunahing urban center sa Calabarzon Region at sa Metro Manila.

Dagdag pa ni Yu, magiging daan din ang bagsakan center para sa pagkuha ng serbisyo ng mga supermarket, malalaking grocery stores at palengke, lalo dahil hindi kalayuan ang lugar sa mga siyudad at sa Metro Manila.

PNA