PITONG buwan na ang nakalipas mula nang magkaharap sa unang pagkakataon sina United States President Donald Trump at North Korean Leader Kim Jong Un sa isang makasaysayang summit sa Singapore noong Hulyo 12, 2018. Ilang buwan bago ito, nagpapalitan ng mga insulto at banta ng nukleyar na digmaan ang dalawang lider, ngunit ngayon ay tanging magandang layunin at ngiti ang palitan nila habang nagkikipagkamay sa isa’t isa at lumagda sa dokumento kung saan nagkasundo silang magtutulungan tungo sa denuclearization ng Korean Peninsula, at ang pakikipagkasundo ni Trump na magbibigay ito ng tiyak na seguridad sa North Korea.

Nang mga sumunod na buwan, nasaksihan ang pagpupulong ng mga mas mabababang opisyal ng dalawang bansa sa Pyongyang, North Korea, ngunit ‘tila walang aktuwal na napagkasunduan. Samantala, nasangkot sa masasalimuot na problema si President Trump—ang trade war sa China, caravan ng mga taga-central America kasama ng kanyang pagbabanta sa tuluyang pagsasara ng US border sa Mexico, ang pagkatalo sa mga labanan sa korte ng Amerika hinggil sa mga migrante at sa mga anak ng mga ito, at ang midterm election noong Nobyembre, kung saan natalo ang Republican Party ni Trump sa Democrats para sa House of Representatives.

Nitong araw ng Bagong Taon, nagtalumpati si Kim Jong Un sa harap ng telebisyon, kasabay ng pahayag niyang handa siyang muling makipagkita kay Trump anumang oras upang magkaroon na sila ng kasunduan na ikatutuwa ng pandaigdigang komunidad. Ngunit, idinagdag niya, na mapipilitan ang North Korea na tumahak ng ibang landas kung ang Amerika “[will] misjudges the patience of our people by unilaterally demanding certain things and pushes ahead with sanctions and pressure.” Mabilis na tumugon si President Trump at sinabing, “I also look forward to meeting with Chairman Kim who realizes so well that North Korea possesses great economic potential.”

Sinasabing ang pangunahing balakid sa kasunduan ay ang hangganan ng nuclear disarmament ng North Korea. Hangad umano nito ang isang kasunduan na magpapahinto sa inisyal nitong kakayahang nukleyar mula sa anumang pagsulong, habang nais ng Amerika ang pagtatanggal sa lahat ng nukleyar na kagamitan ng nasabing bansa. Kinakailangang mag-alok ang Amerika ng malaking kapalit, tulad ng tulong na pang-ekonomiya, upang makamit ang hangaring ito.

Tsika at Intriga

Ethan David sa 'grooming' issue: 'I was the 13 yrs old being referred to!'

Tunay namang nakadidismaya ang paglipas ng pitong buwan, mula noong Hunyo, na walang pahayag mula sa mga negosyador. Matagal nang hinihintay ng mga bansa sa paligid ng Korea, lalo na ang Japan at Pilipinas, ang pinal na kasunduan na magbibigay-wakas sa kanilang mga pangamba na madamay sa isang nukleyar na digmaan.

Nabuhayan ng pag-asa ang mundo sa huling palitan ng pahayag sa pagitan nina Pangulong Trump at Chairman Kim, na ang pulong na nagsimula nang may malaking pag-asa noong Hunyo ay muling masisimulan ng dalawang bansa. Ang puwang na naghihiwalay sa dalawa ay ‘tila malawak ngunit kapwa nagpapakita sina President Trump at Chairman Kim ng kanilang kahandaan upang gamitin ang lahat ng posibilidad at makipagkasundo. Kasama ang mundo sa umaasang masusumpungan ng dalawang bansa ang isang interes na magiging basehan ng isang panghabambuhay na kasunduang pangkapayapaan.