ILANG araw makaraang matamo ang WBO super flyweight belt, nasa isip na ni four-division world champion Donnie Nietes kung sino ang susunod niyang makakalaban.

Tatlong pangalan ang nakamarka sa kanyang utak---sina WBA super flyweight champion Srisaket Sor Rungvisai, ang dati niyang hinamon na si ex-WBC super flyweight ruler Roman “Chocolatito” Gonzalez ng Nicaragua at ang umakyat na sa super bantamweight division na si dating WBA at WBO flyweight titlist Juan Francisco Estrada ng Mexico.

Pero hindi inaalis ng tubong Murcia, Negros Occidental na si Nietes na muli silang magharap ng kababayang si Aston Palicte, kung magwawagi ang tubong Bago City, Negros Occidental sa eliminator bout laban kay Puerto Rican Jose Martinez sa Enero 31 sa Viejas Casino and Resort, Alpine, California sa United States.

“After winning the championship, I want to face the other big names in the super flyweight division. I want to fight to unify another belt,” sabi ni Nietes sa panayam ng Ring Magazine makaraang mapabilang kina WBA welterweight champion Manny Pacquiao at WBA bantamweight beltholder Nonito Donaire, Jr. na mga boksingerong Pilipino na nagtamo ng kampenato sa apat o higit pang dibisyon sa boksing.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagharap sina Nietes at Palicte noong nakaraang Setyembre 8 sa Forum, Inglewood, California kung saan nauwi sa kontrobersiyal na 12-round split draw ang sagupaan.

“I’m not avoiding anyone and I’m willing to fight anyone,” sabi ng 36-anyos na si Nietes. “If he (Palicte) became a mandatory challenger, I will face him.”

Naging four-division world champion si Nietes nang talunin sa 12-round split decision ang Hapones na si Kazuto Ioka noong nakaraang Disyembre 31 sa Wynn Palace Cotai, Macao, China para mapaganda ang kanyang rekord sa 42-1-5 win-loss-draw na may 23 pagwawagi sa knockouts.

-Gilbert Espeña