SINALUBONG ang Bagong Taon ng kalembang ng mga kampana sa mga simbahan, ingay ng mga torotot, sagitisit ng mga lusis, malakas na putok ng mga kuwitis, whistle bomb, rebentador at iba pang uri ng pyrotechnics.
At sa pagsalubong sa Bagong Taon, hindi naiwasan na may mga nabiktima ng paputok. Dinala sa mga ospital at ginamot. May mga biktimang nangako na hindi na sila magpapaputok. Naging aral sa kanila ang nalapnos at nasugatan nilang mga daliri sa kamay. Gayundin sa mga naputulan ng mga daliri.
Sa kaugaliang Pilipino at bilang bahagi ng tradisyon, ang paglikha ng ingay sa pagsalubong sa Bagong Taon ay hudyat ng paghahangad ng masaganang buhay at magandang kapalaran. Isang bagong pag-asa at pagkakataon kahit sinasabing mahirap ang buhay. Patuloy at hindi mapigil ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Sa kabila nito, marami pa rin sa ating mga kababayan ang umaasa na malalampasan ang nasabing krisis. Sanay na ang mga Pilipino sa hirap. Kahit na sinong maging pangulo ng Pilipinas, ang mga Pilipino ay nagsisikap na umunlad.
Ang Bagong Taon, ayon sa kasaysayan, ay ang unang “holy day” ng tao. At ang unang naitala sa pagdiriwang ng Bagong Taon ay sa lungsod ng Babylonia na kinaroronan ngayon ng Iraq. Noon, base sa kalendaryo, ang Bagong Taon ay hindi isang pagdiriwang. Ang pagdiriwang noon ng Bagong Taon ay simula ng spring o tagsibol.
Ang nakaugaliang pagdiriwang ng Bagong Taon tuwing sasapit ang unang araw ng Enero ay nag-umpisa nang magsimula tayong gumagamit ng “Gregorian Calendar.” Binago ni Julius Ceasar ang kalendaryo noong 46 B.C. at ginawa na ang unang buwan ng taon ay Enero. At upang mabigyan ng panrelihiyong kahulugan, itinakda ng Simbahan na maging kapistahan ng circumcision ni Kristo. Makalipas ang ilang panahon, sa liturgical calendar ng Simbahan, ang unang araw ng Enero ay pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birheng Maria bilang Ina ng Diyos.
Ang pagdiriwang sa pagsapit ng Bagong Taon ay bahagi na ng buhay ng tao sa mundo. Sa mga taong dumanas ng lungkot at kabiguan, ang paglipas ng taon at ang pagsapit ng bagong taon, ayon sa kanilang paniwala, ay karugtong lamang ng nakalipas. Ngunit sa marami nating kababayan, ang Bagong Taon ay nag-aatas na magsikap upang umunlad. At sa mga titik ng awiting “Bagong Taon, Bagong Buhay”, na kinatha ng National Artist na si Levi Celerio: “Bagong Taon ay magbagong buhay, nang lumigaya ang ating bayan; Tayo’y magsikap upang makamtan natin ang kasaganahan!”
Bilang bahagi ng buhay ng mga tao sa daigdig, ang pagsapit ng Bagong Taon ay nag-iiwan din ng maraming gunita at alaala. Mahirap malimot ang mga pangyayari sa nakalipas na taon. Ang mga kalamidad na nagpahirap sa marami nating kababayan. Ang problema sa bigas kaya ang mga Pilipino ay pumila para makabili ng NFA (National Food Authority).
Sa bahagi naman ng kaugalian at tradisyong Pilipino, ang Bagong Taon ay sinalubong sa pagdalo sa “New Year’s Eve Mass” sa mga simbahan sa kani-kanilang parokya. Pagkatapos, nagsalu-salo sa inihandang mga pagkain sa Media Noche.
Naniniwala ang maraming Pilipino na ang pagsisimba bago maghiwalay ang luma at Bagong Taon ay isang magandang paraan ng pagsalubong. Isa ring magandang pagkakataon na magpasalamat sa Diyos sa mga biyayang natanggap sa loob ng isang taon. Taglay sa puso at damdamin ang pananalig at pag-asang maging masagana at payapa ang buhay sa paglalakbay sa Bagong Taon. Malayo sa mga panaganib, sakuna, pagkakasakit at patuloy na patnubay sa trabaho. Kasama sa dalangin na muling makabangon mula sa anumang krisis at pagsubok.
Bagong Taon. Bagong Buhay. Bagong Pag-asa. Taglay ang paniwala na sa pagsapit ng Bagong Taon, may hatid na tuwa sa mga malungkutin. May alay na ngiti sa mga alipin ng dalamhati. At sa puso ng sambayanang Pilipino, inaasahan ang makulay na liwanag at umaga. Hindi sana malugmok ang ekonomiya ng bansa. Mawala na rin ang away at bangayan sa pulitika na humahantong sa patayan.
At higit sa lahat, mawala na sana ang mga asal-hayop sa lipunan at pamahalaan.
Narito naman ang pagbati ng inyong lingkod sa ating mga kababayan at mga mambabasa ng BALITA. “Bagong Taon sagana na puspos ng biyaya at pagpapala, Tapat kong pagbati at hangarin na inyong tanggapin sa Dakilang Diyos natin; Kasama ang aking tapat na dalangin, ang Kanyang patnubay sa lahat ng araw ay hindi magmaliw. Happy New Year!
-Clemen Bautista