SA mga nakalipas na taon, kalimitang sanhi ng mga pagkamatay sa mga bagyong dumadaan sa bansa ay dulot ng pagkalunod, mga taong nabagsakan ng mga bumuwal na puno, at mga mangingisda at pasahero ng mga bangka na inanod sa dagat. Noong 2003, nagdala ng bagong panganib sa buhay ang super typhoon Yolanda sa mga sinalantang lugar—ang daluyong o storm surge, isang hindi pangkaraniwang taas ng tubig-dagat na umaabot sa anim hanggang walong talampakang taas na tumatabon sa kalupaan at sumisira sa lahat ng madaan nito, at muling babalik sa dagat tangay ang bangkay ng libu-libong nalunod.
Isang bagong pangunahing sanhi ng pagkamatay ang tila nagiging karaniwan sa mga nagdaang bagyo kamakailan—ang landslides. Ang pagguho o pagbagsak ng buong bahagi ng burol o bundok—kasama ng mga puno, naglalaking bato, at iba pa—na naglilibing sa buong komunidad. Nitong nakaraang Miyerkules, iniulat ni Executive Director Ricardo Jalad, ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang bilang ng mga nasawi na 85, at patuloy na nadaragdagan mula sa bagyong Usman, na karamihan ay nasawi nang mawasak ang kani-kanilang tahanan dahil sa pagguho ng lupa makaraan ang ilang araw na pagbuhos nang malakas na ulan. Pinakamarami ang naitalang biktima sa rehiyon ng Bicol—68—sa mga pag-ulan at landslides.
Nasa 20 katao ang iniulat na nawawala, na pinaniniwalaang nalibing nang buhay sa landslides. Nakakadurog ito ng puso, ayon kay Vice President Leni Robredo nang bumisita siya sa Sagnay, Camarines Sur. “There were whole families who disappeared, with only one or two members left behind.”
Matindi ang kailangang tulong ng mga nakaligtas na biktma, aniya, ngunit binanggit ng bise presidente ang pangangailangan para sa isang pangmatagalang solusyon sa problema na dulot ng landslides. Hindi na dapat pang bumalik ang mga biktima sa kanilang mga lugar na tinamaan ng landslides, aniya.
Katulad ng mga mapanganib na lugar malapit sa mga ilog, lawa, dagat, at iba pang bahagi ng tubig, marami nang iba pang lugar ang naging mapanganib dulot ng pagkakalbo sa kagubatan, pagmimina, at iba pang aktibidad. Patuloy tayong nagkakaroon ng parehong bilang ng mga dumaraang bagyo sa ating bansa na nagdadala na halos magkakasing dami ng ulan—bagamat naiiba ang dala ng bagyong Yolanda. Ngunit ilang tiyak na mga lugar sa ating bansa ang naging mapanganib dahil sa aktibidad ng mga tao na wala naman dati, na nagpapalambot sa lupa dahilan para maging malapit ito sa mga landslides.
Ang pangmatagalang solusyon na iminungkahi ni Vice President Robredo ay dapat lamang na ipatupad sa buong bansa. Kung hindi, patuloy lamang na tataas ang bilang ng mga masasawi tuwing may bagyo o sama ng panahon dulot ng landslides.