Good news! Napipintong magpatupad ng big-time oil price rollback sa bansa sa susunod na linggo, sinabi kahapon ng Department of Energy (DOE).
Sinabi ng kagawaran na hindi pa dapat na magtaas ang presyo ng petrolyo kahit sinimulan na ang implementasyon ng ikalawang yugto ng Tax Reform Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law ngayong 2019.
Ayon pa sa DOE, hanggang sa kasalukuyan ay malaki pa rin ang sobrang supply ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan, na nabili ng mga kumpanya ng langis sa dati o mababang presyo.
Idinugtong pa ng kagawaran na sapat pa rin ang buffer stocks, na dati nang nabili ng mga kumpanya ng langis sa bansa.
Bagamat hindi naglabas ng taya ang DOE sa posibleng bawas-presyo sa petrolyo, makakaasa naman ang mga motorista na wala pang epekto sa ngayon ang karagdagang P2.00 excise tax na ipinataw ng pamahalaan, alinsunod sa ikalawang yugto ng TRAIN Law.
-Bella Gamotea