UMABOT sa kabuuang 547,412 turista ang bumisita sa sikat na Hundred Islands National Park (HINP) sa Alaminos City, Pangasinan simula Enero 1 hanggang Disyembre 31 nitong nakaraang taon, na nag-ambag sa P43.19 milyong kita ng lungsod.
Sa isang panayam nitong Huwebes, inamin ni City Tourism Officer Miguel Sison na bumaba ng 2.6 porsiyento ang bilang ng mga turistang dumating nitong 2018 kumpara sa naitalang pagdating ng mga bisita noong 2017 na umabot sa 561,909.
“The decline was caused by the weather disturbances, not just in the province, but all over the country, wherein during those times, we needed to close the islands from tourists, especially during typhoons, or if the gale warning was up,” paliwanag ni Sison.
Matatandaang hinagupit ng ilang bagyo ang Pangasinan na nagdulot ng mga pagbaha nitong nagdaang taon mula Hulyo, habang ang HINP ay maaari lamang marating sa pamamagitan ng mga bangka mula sa Lucap Wharf sa lungsod.
“We were only able to pick-up again last December. We are glad we still exceeded last year’s income amounting to PHP41.05 million,” ani Sison.
Upang mapalakas naman ang lokal na turismo sa lugar, sinimulan ng lungsod ang implementasyon ng diskuwento sa mga tiyak na Pangasinense mula nitong Disyembre 8 at magpapatuloy hanggang sa huling linggo ng Mayo ngayong taon.
“The HINP’s income would have been higher if there was no promotion,” paniniguro ng opisyal.
Dagdag pa ni Sison, maganda na ang naging simula ng HINP ngayong taon, lalo’t nasa 3,564 na turista na ang bumisita sa mga isla nitong Enero 1 at nasa 2,847 turista nitong Enero 2, habang nakatakda rin ang pagdaong ng mga cruise ship ngayong buwan.
“We hope to add more staff in preparation for the Holy Week and the summer season, which is the peak season at HINP,” sabi niya.
Samantala, panibagong hotel ang itatayo sa Lucap Wharf ngayong taon para sa pagtanggap ng mas maraming bisita na mananatili ng ilang araw.
PNA