Sumuko na rin ngayong Sabado ang dalawa pang suspek sa grupo na sinasabing binayaran upang patayin si Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe at escort nitong si SPO2 Orlando Diaz, kaya nasa kustodiya na ng pulisya ang pitong suspek sa krimen, kabilang ang itinuturong utak na si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo.

Baldo

Kinilala ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Oscar Albayalde ang dalawang sumuko na sina Danilo Muella, alyas “Manoy Dan”, na ayon sa pulisya ay bumili ng mga baril na ginamit sa pamamaslang; at Rolando Arimado, alyas “RR”, na nagsilbi umanong back-up gunman.

Ayon kay Albayalde, unang sumuko si Muella sa Regional Intelligence Office ng Police Regional Office (PRO)-5 bandang 1:00 ng umaga, habang sumuko naman si Arimado sa pulisya sa Masbate bandang 7:00 ng umaga.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Sinabi ni Albayalde na si Muella ay pinagkakatiwalaang security aide ni Mayor Baldo, habang isa namang dating rebelde si Arimado.

“This latest development is expected to complete the puzzle in uncovering the truth behind this double murder and multiple frustrated murder case,” ani Albayalde.

Biyernes nang kumpirmahin ni Albayalde ang pagsuko ng umaming bumaril at pumatay kay Batocabe na si Henry Yuson; at ni Jaywin Babor, isa sa mga nagmaneho ng dalawang get-away motorcycle.

Bukod kay Mayor Baldo, nasa kustodiya na ng pulisya ang anim na miyembro ng grupong pumaslang kina Batocabe at Diaz.

Disyembre 30, 2018 nang sumuko si Christopher Naval, alyas “Tuping”, sinibak na sundalo, at security aide rin ni Mayor Baldo, habang Enero 3 naman nang inaresto ng pulisya si Emmanuel Rosello, alyas “Boboy”, dating militiaman, na nagmaniobra ng isa sa dalawang get-away motorcycle.

‘HINUDAS’

Samantala, sinabi ni Albayalde na iisa ang dahilan ng mga suspek sa pagsuko sa awtoridad: Hindi umano tumupad si Mayor Baldo sa napagkasunduang P5 milyon na ibabayad sa kanila kapag napatay na nila ang kongresista.

“Pareho ang sinasabi nila, na hindi tumupad sa usapan doon sa pera,” sabi ni Albayalde, na una nang inihayag na nagbayad umano ang alkalde ng paunang P250,000 noong Setyembre 2018, isang buwan makaraang planuhin ang pagpatay kay Batocabe.

Una nang sinabi ni Yuson na “hinudas” din siya ni Naval—ang bumuo ng kill team—nang hindi siya binayaran “kahit piso” sa napag-usapan nila.

“Kaya nag-sorry man po ako sa pamilya ng Batocabe. Ako ay napag-utusan lang po ni Mayor Baldo na patayin siya (Batocabe), na binayaran po ako. Pero wala po akong nakuha kahit piso, dahil hinudas din po ako ng kasama kong si Tuping (Naval),” sabi ni Yuson. “'Yun po ang grabeng pagsisisi ko na nagawa ko sa pamilya nila—na tinraydor po ako.”

Mariin nang itinanggi ni Mayor Baldo na sangkot siya sa pamamaslang kay Batocabe—na tulad niya ay kandidato rin para alkalde ng Daraga sa eleksiyon sa susunod na taon.

“I assert my innocence. Let us not forget that while I am being used as a convenient scapegoat, those who are truly responsible for the crime remain free and blameless,” sabi ni Mayor Baldo. “I did not order the deaths of anyone. I did not kill Cong. Batocabe and SPO2 Diaz.”

‘PERMANENTENG DARAGA MAYOR’

Una nang sinabi ni Yuson na ang alkalde, si Naval at si Muella ang nagplano sa pagpatay sa kongresista.

“Silang tatlo po ang nag-uusap palagi na ipapatay si Congressman Rodel Batocabe. Ang gusto ni Mayor Baldo, siya ang permanenteng makaupo sa Daraga, kasi may pangako man siya sa amin na ang ano namin, tuluy-tuloy ang kabuhayan namin. Nagsahod kami sa kanya,” sabi ni Yuson.

SUSUSPENDIHIN

Una nang napaulat na nasa kustodiya ng Albay Police Provincial Office ang alkalde, at may planong ilipat sa Camp Crame sa Quezon City.

Naghahanda na rin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng mga kasong administratibo na isasampa sa Office of the Ombudsman laban kay Mayor Baldo “so we can request immediately the preventive suspension of the mayor”, ayon kay Secretary Eduardo Año.

Martin A. Sadongdong at Chito A. Chavez