TULOY ang programa ng Philippine Swimming League (PSL). At sa pinakahuling hirit para sa taong 2018, lutang ang talento ng mga batang aral sa gabay ni Olympian Susan Papa.
Sa ginanap na 151st PSL National Series – 3rd LC5 Inter-School Friendship Swimming Meet – sa General Santos City bago ang pagtatapos ng 2018 – nangibabaw ang mga swimming protégée ng asosasyon, sa pangunguna ni age-group internationalist Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Paranaque.
Nagwagi si Mojdeh ng apat na ginto at isang silver medal, tampok ang dalawang bagong meet record sa girls 11-12 division.
Naitala ni Mojdeh ang bilis na dalawang minuto at 52.65 segundo para pagwagihan ang 200m breaststroke para higitan ang dating marka na 3:01.45 na nagawa ni Zhakira Idulsa noong 2015.
Sa 200m butterfly, naipanalo ni Mojdeh ang laban sa bilis na 2:28.09, sapat para burahin ang dating record na 2:49.53 ni Aubrey Bermejo may tatlong taon na ang nakalilipas.
Humirit din ang kapwa niya Palarong Pambansa campaigner na si Francisco Cordero sa boys’ 11-12 200m breaststroke tangan ang 2:44.87 – lagpas sa dating marka na 2:53.83 ni Rio Lorenzo Malapitan noong 2016.
Nakagawa rin ng bagong marka sina Phelicity Bose sa girls’ 15-over 100m breaststroke (1:13.49) at John A¬lexander Talosig sa boys’ 13-14 400m freestyle (4:22.56). Bumirit din sina Klent Garcia (boys’ 9-10 100m breaststroke, 1:32.07) at Mary Batalla (girls’ 13-14 200m butterfly, 2:56.92).
“Tuloy-tuloy lang ang programa natin. Basta may regular tournament, hindi nasasayang ang training ng mga bata and expect new marks lalo’t determinado ang ating mga batang swimmers,” pahayag ni Papa.
“We would like to thank Lolita Palacios and Bob Palacios – our PSL Mindanao Regional Director for hos¬ting this competition. They are doing so well in terms of grassroots development program in the region,” aniya.
Sa pagtatapos ng torneo 13 swimmers ang kinilala bilang Most Outstanding Swimmer (MOS) sa kani-kanilang dibisyon.
Nakisosyo si Mojdeh kay Jie Angela Talosig ng South Christian College Pirates sa MOS awards sa girls 12-under, tangan ang parehong 97 puntos.
Kinilala naman ang husay nina Jasmine Cabajar ng Davao Northern Shark (girls’ 7-8) at Nicole Rojo ng LC5 Swimming School (girls’ 13-14) na kapwa umiskor ng 100 puntos.
Ang iba pang MOS winners sa girls’ class ay sina Hannah White ng Susan Papa Swim Academy (6-under), Xyreille Chiong ng South Christian College Pirates (9-10) at Phelicity Bose ng Waterland Snakeheads Swim School (15-over).
Sa boys’ category, nangibabaw sina Jibril Talosig ng South Christian College Pirates (6-under), John Alexander Talosig (13-14) at Cyrryl Vallar (15-over), Anthony Acedo ng Aqua Tiera Swim Team (7-8), Izyndro Warain ng Rasa Kidapawan (9-10) at Francisco Cordero ng LC5 Swimming School (11-12).